10,917 total views
Matagumpay na naidaos ng himpilan ng Radio Veritas ang gift-giving sa may 150 Indegenous People na naninirahan sa Sta. Barbara Brgy. Buhawen, San Marcelino Zambales.
Lubos na nagpapasalamat si Fr.Roy Bellen – Vice President for Operations ng Radio Veritas sa pakikipagtulungan ng Caritas Manila, Archdiocese of Manila Office for Communication at Iba Social Action Center upang maabot at maipamahagi ang mga handog na hygiene kits, grocery packages at school supplies para sa mga pamilya at kabataan na katutubong Aeta sa lugar.
“We are thankful sa Diyos na he’s been so good to us giving us many gifts pero ang gifts na ito palagi ay meant to be shared at katunayan ang gawain na ito ay tayo pong lahat nagtulong tulong ang Caritas Manila, Radio Veritas at Archdiocese of Manila ang ating mga kaibigan na tumulong para makabuo ng resources at higit sa lahat ang Diocese ng Iba upang tumulong para ibigay ito, so pag nag tulong-tulong ang mga tao talaga we are able to accomplished more, again ang Diyos ang nagbigay sa atin upang tayo ay maging daan ng pagpapala sa ibang tao,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Bellen.
Patuloy na paanyaya ng Pari ang suporta para sa mga kaparehong inisyatibo ng simbahang katolika higit na ng mga social arm na katulad ng Caritas Manila.
Ito ay upang patuloy na magkaroon ng pondo o anumang maibabahagi ang simbahan sa mga pinakamalalayo, pinakanangangailangan at pinakamahihirap na komunidad sa Pilipinas.
Panalangin ng Pari na nawa, patuloy na mahanap ng mga taong nais magbahagi at patuloy na maging pamamagitan ang simbahan at himpilan ng Radio Veritas na ipakita at ipadama ang pagmamahal ng Diyos para sa mga mamamayan.
“We thank sa lahat ng gawain ng Radio Veritas at Caritas Manila para makapagkawang gawa tayo, rest assured na ang lahat ng inyong ibinabahagi ay nakakarating sa mga taong palaging nangangailangan ng tulong natin, May mga tao din na gustong gusto tumulong din at magdala ng tulong na ganito at kayo po kung hindi man kayo makapunta sa rito kami po ang magiging kamay at paa nyo po, we are able to bring goodness of God kahit sa pinaka malayong bahagi ng bansa. Muli sa lahat ng tulong at nakiisa thank you so much po,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Fr. Bellen.
Ang Brgy. Buhawen Sitio Naban at Sitio Bayarong San Marcelino, Iba , Zambales ang ilan sa mga pinakaliblib na pamayanan ng mga Aeta sa lugar na inaabot sa mahigit apat na oras ang biyahe mula sa kabisera ng Zambales.