350 total views
August 26, 2020
Pinangunahan ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema ng mga relihiyoso at mga layko ng Simbahang Katolika laban sa Anti-Terrorism Act of 2020.
Personal na nagtungo sa Korte Suprema si AMRSP Co-Executive Secretary Father Angelito Cortez, OFM kasama ang lead counsel ng organisasyon na si Atty. Rafael Calinisan ng Calinisan Domino and Beron Law offices na isa rin sa mga co-petitioner bilang miyembro ng Catholic Laity.
Ayon kay Fr. Cortez, ang paglabag ng Anti-Terrorism Act of 2020 sa Freedom of Religious Expression ng mga mananampalataya partikular na ng mga Katoliko ang pangunahing binibigyan diin sa petisyong inihain ng grupo.
Paliwanag ng Pari, dahil sa pangunahing tungkulin ng mga Pari, Madre at iba pang taong Simbahan na mangaral at magpahayag ng salita ng Diyos na nakabatay sa Ebanghelyo na makatotohanan, makatao at makatarungan ay kadalasang napagbibintangan at nababansangang makakaliwa o kabilang sa mga terorista ang mga lingkod ng Simbahan.
Dahil dito, iginiit ni Fr. Cortez na hindi dapat ipagsawalang bahala ang epekto o implikasyon ng naturang batas para sa mga mananampalataya.
“Sa batas na ito, apektado talaga tayong mga relihiyoso, mga Pari, mga taong Simbahan dahil ang major role natin ay magpahayag ng Salita ng Diyos, mangaral at sa ating pangangaral at pagpapahayag ng Salita ng Diyos ito ay nakabase sa Ebanghelyo kung saan tayo ay nagsasalita ng katotohanan na makahustisya, makatao at sa ating pagsasalita ay hindi maiwasan na lagi tayong napagbibintangan at narri-red tag na terorista, kaya dito sa petisyong ito nais naming ipanawagan na apektado talaga yung Freedom of Religious Expression…”pahayag ni Father Cortez sa panayam sa Radyo Veritas.
Iginiit ng Pari na hindi dapat ituring na terorista ang mga taong Simbahan at iba pang nagbabahagi ng Salita ng Diyos na ginagawa lamang ang kanilang tungkulin upang maibahagi ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Sinabi ni Fr. Cortez na ang mga batas na kinakailangan ng bansa ay mga batas na nakabatay sa Ebanghelyo na dapat ay nagsusulong ng katarungan, kapayapaan at pangangalaga sa kalikasan.
“Hindi porket Pari ka, Madre ka o nagbabahagi ka ng Salita ng Diyos ay terorista ka, ginagawa lang natin ang ating tungkulin at ang mga kailangan nating batas ay batas na nakakabit sa Ebanghelyo at sa hustisya, sa kapayapaan at pag-iingat sa kalikasan…” Dagdag ni Cortez
.
Ang petisyong inihain ng AMRSP laban sa Anti-Terrorism Act of 2020 ay ang ika-28 petisyong laban sa naturang kontrobersyal na batas na naipasa sa gitna ng pandemya dulot ng COVID-19.
Ang AMRSP ay binubuo ng mga major superiors of religious institutes at societies of apostolic life sa bansa.