335 total views
Inanyayahan ng Caritas Manila ang mga parokya ngayong ipinagdiriwang ng Simbahan sa Pilipinas ang “Year of the Parish” na tangkilikin ang Segunda Mana stores.
Ayon kay Caritas Manila Executive Director Rev. Fr. Anton CT Pascual, maraming programa ang Caritas Manila na tumutugon sa pangangailangan ng mga komunidad.
Ipinagpapasalamat rin ni Fr. Anton ang biyaya ng kabubukas lamang na ika – 28 charity outlet ng Segunda Mana sa Cartimar shopping mall, Pasay City.
Hinimok rin nito ang mga kura paroko na maglagay ng mga Segunda Mana Box at stores sa kanilang mga parokya upang maging kabahagi ng charitable programs ng Caritas Manila na tumutugon sa halos 5 libong scholars nito at 1-libong urban micro entrepreneur sa Metro Manila.
“Napakahalaga ng ganitong uri ng programa tulad ng Segunda Mana yung donation in kind upang ma – encourage ang mga tao sa gawain ng pagkakaisa, pagtutulungan at pagbibigayan na siyang buod ng tema ng parokya bilang isang daluyan ng pagkakaisa at espiritu ng pag – ibig ng Diyos. Ito ngang sabi natin na ‘Parish: Communion of Communities,’ para sa taong ito 2017. Isang concrete expression ng pagiging one mind, one heart ay yung pagmamalasakit sa mga dukha sa pamamagitan ng pag – aabuloy ng ating mga gamit na hindi na natin ginagamit,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa nalalapit namang ika – 13 ng Diyembre taong 2016 ay isasagawa ang Celebrity Bazaar sa Glorietta, Makati kung saan ibibida ang ilang kagamitan ng mga sikat na artista bilang pakikiisa sa programa ng Segunda Mana.
Inilunsad ang “Year of the Parish”sa taong 2017 bilang bahagi ng limang taong paghahanda ng Simbahan sa ika – 500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa bansa.