16,937 total views
Muling inaanyayahan ng social at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang lahat na makibahagi sa bike caravan para sa pangangalaga sa kalikasan.
Ito ang Third (3rd) Caritas Philippines Bike for Kalikasan na gaganapin sa October 5, 2024 mula alas-singko ng umaga sa Archdiocese of Cagayan de Oro sa Mindanao.
Ayon kay Donna Echalico, coordinator ng Cagayan de Oro Archdiocesan Social Action Center, 26-kilometro ang ruta ng bike caravan na magsisimula sa Xavier University, iikot sa Cagayan de Oro City, at magtatapos sa Gaston Park malapit sa Saint Augustine Metropolitan Cathedral o Cagayan de Oro Cathedral.
Sinabi ni Echalico na magandang pagkakataon din na ang arkidiyosesis ang napiling manguna sa gawain ngayong taon dahil magtitipon-tipon ang iba’t ibang environmental groups at advocates, at matatalakay ang mga usaping pangkalikasan na tinututukan sa lugar.
“Nakamit natin itong idea or action na ito na itipon ang lahat ng environmental advocates dito sa Archdiocese ng Cagayan de Oro para matugunan naman ang mga hinaing ng mga kababayan natin na gustong magpatulong na maresolba o mabigyan ng pansin ang iba’t ibang klaseng environmental issues sa kani-kanilang mga lugar,” ayon kay Echalico sa panayam sa Caritas News on the Go ng Caritas Philippines.
Kabilang sa mga hinaharap na suliraning pangkalikasan sa Mindanao ay ang coal mining at quarrying na labis nang nakakaapekto, hindi lamang sa kapaligiran kundi maging sa mga katutubong pamayanan.
Sinabi naman ni Caritas Philippines’ Communications and Partnership Development Head Jing Rey Henderson na layunin din ng Caritas Bike for Kalikasan na matulungan ang mga diyosesis sa bansa upang higit na maisulong ang pangangalaga sa kalikasan laban sa tuluyang pagkasira.
“Kaya ginagawa natin ang Caritas Bike for Kalikasan sa iba’t ibang parte ng Pilipinas dahil gusto natin na una, mai-highlight ang iba’t ibang advocacies at issues na kinaharap ng mga diocese kung saan ginagawa ito. Pangalawa, ay matulungan ng mga diocese yung mga partners upang mas ma-amplify ang ecological advocacies. At pangatlo ay sana makalikom tayo ng pondo para matulungan na masustain natin ang ating ecological advocacies and campaign na ginagawa all over the Philippines,” saad ni Henderson.
Noong nakaraang taon, higit 400-volunteer bikers ang nakibahagi sa ikalawang Caritas Bike for Kalikasan kung saan pinangunahan ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang 28-kilometrong pagbibisikleta mula Montemaria Pilgrimage Center sa Ilijan, Batangas City patungo sa Lagadlarin Mangrove Forest Park sa Lobo, Batangas.
Sa mga nais namang makibahagi sa gawain, bisitahin lamang ang facebook page ng Caritas Philippines para sa karagdagang detalye.