1,733 total views
Inaanyayahan ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang mananampalataya na makiisa sa paggunita ng ika – 40 taong anibersaryo ng pagpaslang kay dating Senator Benigno Ninoy Aquino sa August 21, 2023.
Ayon sa arsobispo, ang pagpaslang sa dating mambabatas ang binhi ng mapayapang 1986 EDSA People Power revolution na naging daan upang makamit ng bansa ang kasarinlan mula sa diktadurang pamamahala ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Isang misa ang isasagawa sa Santo Domingo Church sa Quezon City ganap na alas 10 ng umaga na pangungunahan ni Archbishop Villegas.
“Your attendance will be an opportunity for us to stand up for the truth of history and renew our commitment to be heroic Filipinos for our times. Let us be heroes together.” pahayag ni Archbishop Villegas.
Sa kasaysayan, August 21, 1983 nang barilin si Aquino ni Rolando Galman sa tarmac ng dating Manila International Airport nang lumabas ito sa eroplano.
Agad ding napaslang si Galman ng mga kawani ng Aviation Security Command at 25 militar officer ang inaresto kabilang na si dating Armed Forces Chief of Staff General Fabian Ver.
September 28, 1990 nang mahatulan ng reclusion perpetua ang 16 na akusado habang pinagtibay naman ng Korte Suprema ang desisyon noong 1991.
Apat na dekada makaraang mapaslang si Aquino ay patuloy na tinatamasa ng bansa ang demokrasyang bunga ng pakikibaka ng mga Pilipino subalit muli itong nahaharap sa iba’t ibang suliraning panlipunan kabilang na ang human rights violation at malawakang korapsyon sa pamahalaan.
Gayundin ang laganap na fake news at misinformation lalo na ang historical revisionism kung saan pilit binabago ng iilang indibidwal ang kasaysayan para sa pansariling kapakinabangan.