324 total views
Ginugunita ngayong araw ang ika-410 taon mula ng maitayo ang University of Santo Tomas na pinakamatandang pamantasan sa Asya.
Pinangunahan ni Pontifical and Royal University of Santo Tomas Rector, Rev Fr. Richard Ang, O.P., PhD. ang thanksgiving mass na isinagawa sa Santisimo Rosario Parish sa UST.
Ayon sa Pari, bagamat humaharap ang bansa sa isang malawak na krisis na dulot ng COVID-19 pandemic ay naaangkop lamang na magbalik tanaw sa kasaysayan kung saan may mapupulot ring mga aral at inspirasyon na maaring magamit para sa kasalukuyang sitwasyon.
Paliwanag ni Fr. Ang, kabilang ang pagsisilbi ng UST bilang isang pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano makalipas ang 500-taon sa mga pambihirang biyaya na patuloy na ipinagkakaloob ng Panginoon sa unibersidad.
“In history we look into the past as into a mirror to the hope of not only seeing we clearly reflected but also of becoming masters of present and future events. After 500 years of Christianity in the Philippines UST remains to be the bastion of the Catholic faith in Asia and in the country, truly grace is the source of all forms of human productivity.” pagninilay ni Fr. Ang.
Umaasa naman ang Pari na tulad ng katatagan ng unibersidad ay biyayaan rin ng Panginoon ang bawat isa ng katatagan, lakas at katapangan upang malagpasan ang kasalukuyang hamon ng COVID-19 pandemic.
Iginiit ni Fr. Ang na hindi dapat magpadala ang bawat isa sa takot, pangamba at kawalan ng katiyakan dulot ng pandemya.
“Many of us are restless, anxious, fearful of the uncertainty that the future may bring sabi nga ng maraming Filipino kung hindi tayo mamamatay sa virus, mamamatay tayo sa gutom. We pray that God may give the people, families and institutions like this university the ability to survive shocks and devastations in order to build a stronger community.” Dagdag pa ni Fr. Ang.
Itinatag ang UST noong April 28, 1611 bilang Colegio de Nuestra Senyora del Santisimo Rosario na kalaunan ay tinawag na Colegio de Santo Tomas bilang pag-alala kay St. Thomas Aquinas.
Taong 1645, idineklara ni Pope Innocent the 10th na Unibersidad ang pamantasan na kalaunan taong 1785 ay ginawaran ng titulong “Royal University” ni King Charles the 3rd ng Espanya.
Taong 1902 ng binigyan naman ng titulong “Pontifical University” ni Pope Leo the 13th ang unibersidad kung saan taong 1947 naman ng ginawaran ni Pope Pius the 12th ng titulong “The Catholic University of the Philippines” ang UST.
Bukod sa mayamang kasaysayang nasaksihan ng UST ay marami na ring mga kilalang personalidad ang nakabisita sa paaralan tulad ng mga Santo Papa at ni Mother Teresa, kung saan ang pinakahuli ay ang Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang naging pagbisita sa Pilipinas noong Enero ng taong 2015.(