2,357 total views
Tiniyak ng pamunuan ng Radio Veritas ang patuloy na pagpapalawak ng misyong ibahagi ang Salita ng Diyos sa pamayanan.
Ito ang mensahe ni Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual sa ika – 54 na anibersaryo ng himpilan kasabay ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus.
Ayon sa pari ng bunga ng 500 kritiyanismo sa bansa ay palalakasin ng Radio Veritas ang paglaban sa fake news sa pamamagitan ng Mabuting Balita ng Panginoon.
“Lalo nating palakasin ang pagpapalalim ng pananampalataya na makikita sa konkretong gawa, more witnessing sa Mabuting Balita. Ang Radio Veritas ay makikiisa sa pagpapahasik ng katotohanan sa harap ng mga pekeng balita at impormasyon, katotohanang nakaugat sa Salita ng Diyos,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Tiniyak ng opisyal na bukod sa pagiging boses ng katotohanan ay palalakasin din ng himpilan ang pagtugon sa pangangailangan ng mga dukha sa lipunan sa pakikipagtulungan sa Caritas Manila ang social arm ng Archdiocese of Manila.
Ilan dito ang programang Caritas In Action na pangunahing public service program ng himpilan na kumakalinga sa pangangailangan ng mamamayan.
Samantala pinuri ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang himpilan sa mga gawaing katuwang ng simbahan sa pagmimisyon at pagpalaganap ng Salita ng Diyos sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas at maging sa ibayong dagat sa pamamagitan ng digital platforms.
“Easter Sunday is the day in which most important, most wonderful, most glorious news was ever communicated, a news of Christ resurrection from the dead and it is appropriate that the radio station was founded. Continue in everything you do to communicate the message of Christ,” ani Archbishop Brown sa Radio Veritas.
April 11, 1969 nang maitatag ang Radio Veritas upang maging instrumento sa ebanghelisasyon kung saan Pebrero 1986 nang ginampanan ng himpilan ang makasaysayang pagsahimpapawid sa panawagan ni noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin na magtipon sa EDSA na naging daan sa mapayapang rebolusyon hudyat ng wakas sa dalawang dekadang paninilbihan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Makalipas ang mahigit limang dekada patuloy ang himpilan sa pagsabuhay sa vision na maging ‘leading Social Communication Ministry for truth and new evangelization’ batay sa misyong ‘To expand the Church in multimedia and establish a center for information and communication’ alinsunod sa values na ‘Faith and Honesty, Creativity and Innovativeness.’
Pinangunahan ni Radio Veritas Chairman at Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang misa pasalamat kasama sina Fr. Pascual, Fr. Victor Sadaya, CMF, General Manager ng Radio Veritas Asia at Fr. Mico Dellera.