666 total views
Ipinagdiwang ng Caritas Manila ang ika-69 anibersaryo ng paglilingkod at pagtulong sa mga mahihirap at higit na nangangailangan.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang “Synodality: A Collective Journey with the Poor as the People of God” bilang pakikiisa at pakikibahagi ng institusyon sa mga mahihirap para sa sama-samang paglalakbay bilang Simbahan.
Ayon kay Caritas Manila Executive Director Fr. Anton CT. Pascual, patuloy na gagampanan ng institusyon ang misyong tulungan ang mga mahihirap tungo sa pagkakaroon nang malusog na pangangatawan at maayos na kinabukasan.
“Sa 69 years natin na kung saan tayo’y nakikiisa sa synodality ni Pope Francis, naglalakbay tayo sa Panginoon kasama ang mga mahihirap at tinutulungan natin sila na matulungan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng ating education, health program, livelihood, at itong pagiging kasapi ng Christian, caring and sharing community – Church of the poor,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Nagpapasalamat naman si Fr. Pascual sa donors at benefactors na patuloy na sumusuporta sa mga programa ng social arm ng Archdiocese of Manila sa loob ng halos pitong dekada.
“Nawa pagpalain sila ng Panginoon, a hundredfold. At patuloy silang sumuporta sa napakagandang mission of charity ng Caritas Manila sa mga mahihirap at maysakit, lalo na ngayong panahon ng pandemya, economic crisis, at food crisis,” saad ni Fr. Pascual.
Samantala, pinangunahan naman ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang thanksgiving mass at grand commissioning ng mga servant leader ng Social Services and Development Ministry ng social arm ng arkidiyosesis.
Ayon kay Cardinal Advincula, naging daluyan ng biyaya at pag-asa ang Caritas Manila sa gitna ng mga pagsubok sa buhay lalo na sa pag-iral ng coronavirus pandemic.
Dagdag ng Cardinal na hindi naging sagabal sa mga manggagawa at volunteer ng institusyon ang banta ng virus para lamang mapaglingkuran ang mga mahihirap at higit na nangangailangan.
“Sa pagpapadaloy ng malasakit ni Hesus at ng simbahan, nagbibigay tayo ng pag-asa. Sa tindi ng hirap ngayong pandemya, marami ang nais nang sumuko at umayaw sa buhay. Salamat sa sipag at malasakit ninyong lahat, marami ang nakatagpo ng pag-asa,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Sa loob ng 69-taon, patuloy na pinapalawig ng institusyon ang mga programa tulad ng Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP, Caritas Damayan, Sanlakbay, at Restorative Justice Ministry.
Binabalak din ng Caritas Manila na isulong at palakasin ang Ministry on Cooperatives and Social Enterprise Development (MCSED) upang maalalayan ang mga nasa mahihirap na sektor na magkaroon ng maayos na pagkakakitaan at hanapbuhay.
Unang kinilala bilang Catholic Charities, ang Caritas Manila ay itinatag noong Oktubre 1953 sa pamamagitan ng noo’y Arsobispo ng Maynila na si Rufino Cardinal Santos.