208 total views
Matagumpay na nagdaos ang Archdiocese of Lingayen-Dagupan ng Caritas Day, noong ika-5 ng Septyembre, kasabay ang kapistahan ni St. Theresa of Calcutta.
Ito ang ika-9 na taong pagdiriwang ng Caritas Day sa Archdiocese of Lingayen-Dagupan.
Ayon kay Father Estephen Mark Espinoza, Director ng Ministry of Social Action, layunin nito na mapalakas ang pagbibigay tulong ng Arkidiyosesis sa mga nangangailangan.
Dagdag pa dito, pinalalakas din ng simbahan ang pakikipag-tulungan sa mga ahensya ng pamahalaan para sa pagbibigay serbisyo sa mga mahihirap.
“The Archdiocese of Lingayen Dagupan every September 5, celebrates Caritas Day. Which coincides with the feast of St. Therese of Calcutta, and when we celebrate the Caritas Day we include all of our ministries under the commission of Social Services. Nandito po ang Social Action, Health Care, ministry para sa mga drug dependents and other ministries that are tied up with the social services commission,” pahayag ni Father Espinoza sa Radyo Veritas.
Kabilang sa mga proyektong nasa ilalim ng Caritas Lingayen-Dagupan ang “Dugo ko, Buhay mo”, kung saan mayroong account ang Archdiocese sa blood bank ng Region I medical center na nakalaan para sa mga mahihirap.
Nanawagan si Father Espinoza sa mga mananampalataya na magbahagi ng kanilang dugo upang patuloy na may magamit ang mga mahihirap na kababayang mangangailangan nito.
Mayroon ding programa ang arkidiyosesis para sa Disaster Preparedness at ang “I Care, I Plant” o tree planting activity na para sa pangangalaga sa kalikasan.
Ayon sa Pari, matapos manalasa sa Pilipinas ang bagyong Ondoy at Pepeng noong 2009, nakita ng arkidiyosesis ang pagiging bulnerable nito sa mga sakunang dulo’t ng nagbabagong klima.
Sinimulan din ang Caritas Day na may unang layunin na palakasin ang disaster awareness ng mga mananampalataya, at higit pang matulungan pa ang mga mahihirap na paunlarin ang kanilang buhay, hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga relief items.
Bukod sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mahihirap sa kanilang kalusugan, at kabuhayan, patuloy namang hamon para kay Father Espinoza ang ipinapaalala ng kanilang Arsobispo na si Archbishop Socrates Villegas na pagpapayaman sa espiritual na aspeto ng mga mananampalataya sa arkidiyosesis.