758 total views
Hinihikayat ng Diocese of Borongan ang mga Pilipino na gunitain ang ika-siyam na anibersaryo ng pananalasa ng super typhoon Yolanda ng may buong pag-asa at pagkakaisa.
Ito ang bahagi ng liham sirkular ni Borongan Bishop Crispin Varquez sa paggunita ng pananalasa ng bagyo noong November 8, 2013 o siyam na taon na ang nakakalipas.
Ayon sa Obispo, mahalagang patuloy na gunitain, alalahanin at ipanalangin ang lahat ng mga nasalanta ng pananalasa ng kauna-unahang super typhoon category na nagdulot ng malawak na pagkasira sa buhay at ari-arian ng mamamayan sa Eastern Visayas region.
Inihayag ni Bishop Varquez na nararapat ding ipagpasalamat ang naging paggabay ng Panginoon at ng mga may mabubuting pusong indibidwal at organisasyon na nagpaabot ng suporta at ayuda sa muling pagbangon ng mamamayan na napinsala sa sakuna.
“For this commemoration, let us continue with binding hopefulness and solidarity in the face of so many challenges coming our way and be thankful to the Lord that we have risen from the horrible destruction that super typhoon Yolanda had brought. We have seen God’s saving acts at work in our own history. We thank individuals, groups, and organizations who helped us rise and recover, and never forget them in our prayers.” Bahagi ng liham sirkular ni Bishop Varquez
Ipinaliwanag ng Obispo na mahalaga ang mga aral na natutunan ng bawat isa mula sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda para sa pagharap sa mga krisis na posibleng maganap sa hinaharap.
“The threats and challenges remain, and in an uncertain future may again happen, but what we have are the lessons of the past, something we have learned, and by all means we have to sustain – continue educating ourselves, our young ones especially for they will be the ones who will bear the consequences of our decisions and actions of today.” Dagdag pa ni Bishop Varquez.
Ayon sa Obispo sa gitna ng patuloy na mga banta ng iba’t ibang malalakas na kalamidad at sakuna na dulot ng climate change ay napapanahon ng mamulat ang bawat isa sa higit na pangangalaga sa kalikasan bilang tugon na rin sa panawagan ng Santo Papa Francisco na ecological conversion.
Giit ni Bishop Varquez, kinakailangan wakasan na ng bawat isa ang iba’t ibang mga gawaing nakakasira sa kalikasan.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) mahigit 3-milyong pamilya o katumbas ng 16 na milyong indibidwal, ang naapektuhan ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda kung saan mahigit sa 6-na libo rin ang naitalang nasawi.