2,270 total views
Ang Mabuting Balita, 26 Nobyembre 2023 – Mateo 25, 31-46
IKABABAGSAK NATIN
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Jesukristo sa Sanlibutan
Noong panahong iyon, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono. Sa panahong iyon, matitipon sa harapan niya ang lahat ng tao. Sila’y pagbubukud-bukurin niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa ang mga kambing. At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat ako’y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan.’ Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya’y walang maisuot at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?’ Sasabihin ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.’
“At sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, mga sinumpa! Kayo’y pasaapoy na di mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, nawalan ng maisuot, may sakit o nasa bilangguan, at hindi namin kayo pinaglingkuran?’ At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”
————
Kung minsan sa ating buhay, matayog ang ating lipad, at mga iba masyadong matayog, upang makamit ang ating mga pangarap at mga layunin, at nakakamit natin ang tagumpay at mga parangal para dito. Kung tayo ay magiging komportable at mananatili sa itaas, malamang na hindi natin makikita ang mga mas mahalagang bagay sa buhay. Paminsan-minsan, kailangan nating bumaba sa lupa at mababad sa Diyos. Ang ating ebanghelyo sa araw na ito, ay isang napakamaayos na paalala sa atin na huwag mawala sa ating paningin ang mga pinakamahalagang bagay sa buhay. Inilalarawan sa pagbasang ito ang dahilan kung bakit tayo nasa mundo.
Si Jesukristo ang KAISA-ISAHANG HARI ng sanlibutan. Kung tayo ay lagi o kadalasan ay nasa ibabaw ng ibang tao, magiging pakiramdam natin, tayo ay mga hari na kailangang sambahin lagi. Kapag ito ay nangyari, ito ang IKABABAGSAK NATIN sapagkat kahit kailan hindi tayo magiging isang bagay na hindi tayo. May kasabihan nga – Kahit paano mo bihisan ang unggoy, unggoy pa rin siya. Tayo ay mga taong likha sa wangis ng Diyos, at ito tayo. Sa ganitong anyo lang tayo magiging tunay na maligaya at mapayapa anumang kinalalagyan natin.
Christus Vincit, Christus Regnat, Christus, Christus, Imperat!