193 total views
Naaangkop lamang ang pagnanais ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na supilin ang Kriminalidad at Kaguluhan sa Kipunan.
Gayunpaman, nilinaw ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice President Caloocan Bishop Pablo Virgilio David na dapat pag-aralan ng Pamahalaan ang tunay na kalagayan ng mga maralita.
Ito ang reaksyon ng Obispo, kaugnay sa patuloy na kampanya ng PNP laban sa tambay sa mga lansangan.
Ipinaaabot ni Bishop David ang pasasalamat sa mithiin ng PNP na masupil ang krimen at kasamaan ngunit hindi dapat ma-Discriminate ang mga mahihirap, ang mga nakatira sa mga Squatter.
“Sa konsteksto ng pagsupil ng kriminalidad sang-ayon naman kami diyan, of course natutuwa kami at nagpapasalamat sa kapulisan kapag ginagawa nila ang trabaho para masupil ang kriminalidad at para din magkaroon ng disiplina pero huwag naman sanang ididiscriminate ang mga dukha at sana pag-aralan din ang sitwasyon ng mga nasa mga slums, nasa mga squatters kung bakit may mga taong nasa labas…” pahayag ni Bishop David sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ng Obispo na sa kanyang Diyosesis ay napakaraming Informal Settlers Communities na mayroong maliliit na tahanan at kadalasang ginagawa ang ilang sa labas ng tahanan tulad na lamang ng paglalaba, pagluluto, pakikipag-kuwentuhan at pakikipaghalubilo sa mga kapitbahay.
Paliwanag pa ni Bishop David, bagamat makabuluhan ang layunin at ninanais ng pamahalaan na maisaayos ang sitwasyon sa pamayanan ay nararapat pa ring tingnan at suriin ang sitwasyon ng mga maralita na kadalasang nilalaman ng lansangan.
“Sa aking diocese ay napakarami ng informal settlers communities at nakikita ko ang mga tahanan nila na mga katiting lang talaga yung mga tahanan nila minsan wala pa silang mga kalsada, mga maliliit na iskinita at makikita mo na sa iskinita nandoon lahat, doon sila naglalaba, doon sila nagluluto, doon sila kung minsan nagkukwentuhan. Ito yung kalagayan ng mga dukha wala silang mga community centers, wala sila ng mga katulad sa mga home-owner association sa mga subdivision na mga tipong home owners club, walang ganyan so para bang let us be a bit kinder sa mga dukha…” Pagbabahagi pa ni Bishop David.
Kaugnay nito nais na rin ng Pangulo na masama sa naturang kampanya kontra tambay ang mga Menor-de-edad katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para umano sa kabutihan ng mga kabataan.
Samantala, mula ng ihayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong ika-13 ng Hunyo ang kanyang Direktiba sa mga alagad ng Batas na maging Istrikto at huwag matakot hulihin ang mga Tumatambay sa Kalye ay umaabot na sa higit 10-libong mga indibidwal ang naaaresto ng Philippine National Police.