318 total views
Aktibo ang Diocese of Ilagan Isabela para labanan ang kagutuman sa bansa.
Ayon kay Sr. Mary Peter Camille Marasigan, Coordinator ng Hapag-Asa feeding program ng Diocese, maliban sa pagpapakain sa mga batang may edad 5 taon pababa na kulang sa timbang, may especial feeding program din sila sa mga kabataan at sa mga senior citizen sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development at sa Asissi Development Foundation.
Sinabi pa ni Sr. Marasigan, pinaigting nila ang Hapag-Asa feeding program kasama ang Local Government Units (LGUs) at ibat-ibang Non-Government Organization (NGOs) sa diocese matapos ang kanilang summit para labanan ang kagutuman.
“Maganda ang implementasyon ng programa sa pamamagitan ng Hapag-asa feeding program, paano makakatulong to fight for zero hunger… nagsagawa din ang dioces ang Alay Kapwa summit in building pathways for eradicating poverty and malnutrition in the poorest family in integration with the year of family and Jubilee Year of Mercy last February, invited ang iba’t-ibang organization sa Diocese of Ilagan with the LGU’s para magtulong-tulong kami para labanan ang malnutrisyon at may special feeding program kami for youth tie-up with DSWD feeding program for senior citizen sa Assissi Foundation naman naka tie-up.” Pahayag ni Sr. Marasigan sa panayam ng Radyo Veritas.
Dagdag ng madre, maliban sa pagpapakain, nagbibigay din sila ng formation training para sa mga kabataan at sa mga magulang ng mga batang sumailalim sa feeding program para sa paghahanda sa livelihood program.
“Hindi lang natatapos sa pagkain it is coupled with formation component and later on kapag may possibility nagkakaroon din sila ng livelihood kaya nakipagtie-up din kami sa DOLE na katuwang namin para makapasok sila sa livelihood at para sa mga magulang nagkaroon kami ng self-help group approach, kung ang anak nila ay gagraduate na after ng implementasyon, tinuturuan silang magkaroon ng hanapbuhay para makatulong sa pagpapatuloy ng magandang kinabukasan ng kanilang mga anak.” Ayon pa kay Sr. Marasigan.
Ang Hapag-Asa Feeding Program ang maituturing na pangunahing programa ng Pondo ng Pinoy na itinatag ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales noong 2004 upang mangalap ng mga barya para sa mga programa ng Simbahan at hikayatin ang mga Pilipino na mag-impok hindi para sa sarili kundi para tulungan ang kapwa kahit sa maliit na paraan.
Noong 2015 umabot sa 21,000 malnourished na mga bata ang napakain at natulungan ng Pondo ng Pinoy sa loob ng anim na buwan, habang nasa 25,000 o higit pang mga bata ang target nitong matulungan ngayong taon.
Ang Hapag-asa feeding program ng Pondo ng Pinoy ay bilang tulong na rin sa pamahalaan upang maibsan ang kagutuman ng mga mahihirap sa bansa lalo na ng mga bata.