288 total views
Patuloy pa ring nangangamba ang mga residente ng Casiguran Aurora, lalu’t patuloy ang pag-ulan habang ilang barangay pa rin ang mataas ang tubig na dulot ng bagyong Tisoy.
Ayon kay Fr. Jose Francisco Talaban, parish priest ng San Antonio de Padua sa Casiguran, Aurora may 1,390 pamilya ang apektado ng bagyo habang 254 na pamilya pa rin ang nanatili sa mga evacuation centers.
Ang Casiguran, Aurora ay nasasakop ng prelatura ng Infanta.
Ilang pang mga lansangan ang hindi pa rin madaanan kaya’t hindi pa napupuntahan ang ilang mga barangay na lubog sa baha kabilang na dito ang barangay ng Esperanza, Calangcuasan, at Culat.
“May mga lugar kaming mabababa talaga na hindi namin mapuntahan dahil napapalibutan ng ilog. Nangangamba kami kasi patuloy pa rin ang pag-ulan,” ayon kay Fr. Talaban sa panayam ng Radio Veritas.
Panawagan din ng pari ang tulong para sa mga apektadong pamilya.
Ayon kay Fr. Talaban nagsimulang tumaas ang tubig kagabi dulot ng mga pag-ulan na dala ng papalabas na bagyong Tisoy.
Paliwanag ng pari ang Casiguran ay isa ring catch basin na napapaligiran ng tubig at ilog dagdag pa ang tubig na dulot ng high tide.