3,285 total views
Kapanalig, maliban sa droga, marami pang mga isyu ang ating lipunan na kailangan natin harapin.
Isa sa mga pangunahing isyu nito ay ang rich and poor divide o ang inequality. Ang phenomenon na ito ay hindi unique o natatangi sa ating bansa. Ito ay global. May mga datos na nagsasabi na 10% lamang ng global population ang kumokontrol sa 90% ng global resources. Ang yaman ng mga nasa top three richest person ay mas mataas pa sa total GDP ng 48 na bansa. Ang yaman ng 32 na pinakamayamang tao sa mundo ay mahigit pa sa total GDP ng South Asia. Sa ating bansa, ramdam din ang rich poor divide. Kongkreto itong makikita sa magkasabay at magkatabing pag-usbong ng mga magagarang subdibisyon at nagsisikipang informal settlements. Makikita rin ito sa pagsulpot ng mga naglalakihang malls katabi ng mga naglilipanang street vendors.
Ang environmental degradation ay isa rin sa mga malalaking isyu ng bayan. Nitong nakaraang limampung taon, 70% ng ating mga kagubatan ay halos nakalbo na. Marami na ring mga lugar ang naging mining sites, at naiwan na lang nakatinwangwang pagkatapos bungkalin.
Ang mataas na pag-akyat ng populasyon ay isa ring isyu. Pito sa sampung bansa na may mataas na populasyon ay mga developing countries. Karamihan sa kanila ay bata, at may malaking potensyal na magdagdag pa sa populasyon. Kapag hindi natin ito maharap, mas lalong hihirap ang access to basic services sa ating bayan.
Ang kahirapan, din kapanalig, ay isang malaking isyu. Lalo pat ngayon na tumataas ang halaga ng piso, at ang pinaka-maralita ang apekado ditto. Sa Ngayon, halos sampung libo kada buwan ang kailangan upang mamuhay ng maayos ang isang karaniwang pamilya Pilipino na may limang miyembro. Kumpara natin dito kapanalig, ang kinikita ng mga scavengers o mangangalakal, na dumadami ang bilang sa ngayon. Sa P100 hanggang P200 kada araw, kung suswertehin, humigit kumulang P6,000 lamang ito.
Kapanalig, kailangan naman nating harapin ang mga ito. Ang pagsasawalang bahala sa mga isyung ito ay pagsasawalang bahala sa mga pinakamahirap na miyembro ng ating lipunan. Mas higit pa at mas malawak ang epekto nito sa ating bansa. Sa pagwaglit natin sa mga isyung ito, mas lalo nating pinabibigat ang buhay ng maralita.
Sa puntong ito, magandang inspirasyon ang pahayag ni Pope Francis: To live charitably means not living out for own interests, but carrying the burdens of the weakest and the poorest among us.