404 total views
Nananatili sa evacuation center ang may 400 pamilyang apektado ng naganap na sunog sa isang residential area sa lungsod ng Bacoor sa Cavite.
Nagmula ang mga apektadong pamilya na kinabibilangan ng nasa 1,600 indibidwal mula sa Barangay Alima at Barangay Sineguelasan sa lungsod.
Naunang nagsilikas at nagpunta sa evacuation centers ang mga residenteng nakatira sa tabi ng dagat upang makaiwas sa storm surge na dala ng bagyong Rolly.
Ayon kay Fr. Mel Sandoval, kura paroko ng Saint Michael the Archangel Parish, patuloy na inaayos ng Department of Social Welfare and Development ang proseso upang matulungan ang mga naapektuhang pamilya na nagsisiksikan sa mga evacuation centers.
Sinabi ng pari na pagkatapos na ma-evaluate ng DSWD ang mga pamilya, agad itong kinukupkop ng parokya upang ilipat sa mas maluwag na Saint Michael Parochial School.
Dito’y ang bawat pamilya ay may nakalaang isang kwarto at hinahandugan ng parokya ng mga pangunahin nilang pangangailangan tulad ng pagkain.
“Ang ginawa namin sa parokya dahil malapit lang, ‘pag naayos na ng DSWD ‘yung mga pamilya, amin na pong kinukuha. Ineevacuate po namin sa St. Michael Parochial School at doon po namin binibigyan ng isang kwarto per family tapos ay aming binibigyan sila ng kanilang mga pangangailangan.,” ang pahayag ni Fr. Sandoval sa panayam ng Radyo Veritas.
Wala namang tinutukoy ang pari sa puno’t dulo ng naganap na sunog, sa halip ayon kay Fr. Sandoval na mas pinagtutuunan ng pansin ng parokya ang patuloy na pagtulong sa mga naapektuhan hanggang sa mailipat ang mga ito sa relocation center.
“Ang concern ng parokya ay tulungan hanggang sa sila’y madala doon sa relocation center, kung ano man ang kanilang plano. Inaayos natin ‘yung lahat ng pangangailangan at from here hanggang sa kung saan man sila mai-relocate ay tutulungan po ng parokya,” ayon sa pari.
Samantala, ayon naman kay Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla, ang bawat mga apektadong pamilya ay makakatanggap ng P10,000 bilang tulong ng lokal na pamahalaan.
Sa ngayon ay tinutukoy pa rin ang dahilan ng sunog na batay sa paunang ulat ng Bureau of Fire Protection Bacoor, napag-alaman na nagmula ang sunog sa isang bahay sa Brgy. Alima.
Itinanggi naman ng lokal na pamahalaan ang alegasyong arson o sinadya ang pangyayaring sunog sa lugar.