267 total views
Inamin ng Social Action Center ng Apostolic Vicariate of Jolo, Sulu na may ilang mga sibilyan na hindi naiuulat ng media ang nadamay sa patuloy na engkuwentro ng mga sundalo at bandidong Abu Sayyaf sa Patikul Sulu.
Ito ang kinumpirma ni Sister Ramona Tendon, Associate of Notre Dame – Social Action Directress ng Apostolic Vicariate of Jolo, Sulu bagaman wala silang eksaktong datos ng mga namatay sa nangyayaring bakbakan sa pagitan ng Abu Sayaff at militar.
Inihayag ni Sister Tendon na nakikipag – ugnayan pa sila sa Commission on Human Rights at Department of Social Welfare and Development lalo na sa pagsaklolo sa mga komunidad na nadadamay sa gulo.
“Mayroon pong casualties na hindi po nila nire – report. Tikom ang bibig ng ating media as much as possible. Pero ang tanging pinagkukunan namin ng information ay yung sa human rights office na katabi ng aming opisina. Ayaw ko pong sumama sa field kasi ako po ay kailangang magbalot, magsuot katulad rin ng Muslim para maka – penetrate po ako roon,” bahagi ng pahayag ni Sis. Tendon sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Nabatid mula sa datos ng Armed Forces of the Philippines na sa tinatayang 25 Abu Sayyaf na nasawi ay dalawa ang sub leader kung saan isa dito ay kinilala na si Alias MAA.
Habang nasa 15 sundalo naman ang nasawi at patuloy namang ginagamot sa pagamutan sa Sulu ang sampung sundalo na nasagutan sa engkuwentro.
Patuloy namang isinusulong ng Simbahang Katolika ang mapayapang pakikipag – diyalogo sa mga bandidong grupo para sa ikapapaya ng buong rehiyon ng Mindanao.