462 total views
Iniulat ng Social Action Center ng Diyosesis ng Tandag na ilan sa mga simbahan at kabahayan sa Surigao del Sur ang nasira sa naganap na lindol noong Sabado.
Ayon kay Rev. Fr. Frank Olvis, ang Social Action Director ng Diyosesis, malakas ang pagyanig ng 5.5 magnitude na lindol dahilan upang masira ang mga Simbahan at ilang gusali sa lugar.
Pagbabahagi ng Pari ilan sa mga simbahang nasira ang parokya ng Immaculate Concepcion sa bayan ng Cantilan, Sts. Peter and Paul Parish sa barangay Parang, Cantilan, St. Vincent Ferrer Parish sa bayan ng Carmen.
Dahil dito humiling ng panalangin si Fr. Olvis sa mananampalataya na hindi na muling maranasan ang malakas na pagyanig upang wala nang sakunang maganap.
“Hiling ko ang panalangin ng lahat na sana wala nang ganyang calamity [lindol],” pahayag ni Fr. Olvis sa Radio Veritas.
Sa pahayag naman ni Surigao Del Sur Governor Alexander Pimentel, umabot sa 63 katao ang nasugatan mula sa mga bayan ng Lanuza, Carmen, Madrid, Cantilan, Carrascal, Compostela at Tandag City dahil sa pagbagsak ng ilang bahagi ng bahay.
Alas 4:42 ng umaga ng maganap ang pagyanig na naramdaman din maging sa karatig lalawigan tulad ng Cagayan De Oro City, Borongan at Cebu City.
Sa inisyal na ulat ng lokal na pamahalaan umabot sa 7 milyong piso ang halaga ng nasirang imprastraktura sa Carrascal kabilang na ang mga bahay, simbahan, gusali ng pamahalaan, pamilihan at pagamutan.
Umaapela naman ang Pari sa mga mamamayan na nais magpaabot ng tulong na makipag-ugnayan lamang sa Diyosesis ng Tandag o sa mga nararapat na ahensya ng pamahalaan.
“Kung makatulong, mas makabubuti para sa pagsasaayos ng mga Simbahan at ilang mga bahay,” ani ni Fr. Olvis.
Namahagi naman ang lokal na pamahalaan ng Surigao del Sur ng dalawang libong pisong tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol partikular sa Cantilan, Madrid, Lanuza at bayan ng Cortes kung saan naitala ang sentro ng pagyanig.