1,987 total views
Hinamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula si Fr. Rufino “Jun” Sescon, Jr. na mas ilapit pa sa mga mananampalataya ang Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ito ang mensahe ni Cardinal Advincula kasabay ng pormal na pagtatalaga kay Fr. Sescon bilang rektor at kura paroko ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Saint John the Baptist Parish sa Quiapo, Manila.
Tagubilin ni Cardinal Advincula kay Fr. Sescon na mapanatili nito ang pagiging mapagpakumbaba at mapagkalinga tulad ni Kristo, at ipagpatuloy ang pagpapalaganap ng debosyon sa bawat mananampalataya ng Poong Nazareno.
“Nawa’y ang pag-ibig mo kay Hesus ang magbigay ng direksyon sa buhay-pastol mo. Titigan mo si Hesus sa panalangin at pagninilay sa salita ng Diyos. Sa pagtitig mo sa mukha ni Hesus, maiiwan ang alaala ng kanyang mukha sa iyong puso at gunita. Makikita mo si Hesus sa bawat taong makakasalamuha mo,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Advincula.
Pinaalalahanan naman ng Cardinal ang mga mananampalataya na buong pusong tanggapin at mahalin si Fr. Sescon upang mas lalong mapagbuti ang tungkulin ng pagiging pastol ng Quiapo Church.
“Ang pagmamahal ninyo ang huhubog sa kanya upang maging mabuting pari. Ang malalim na pananampalataya ninyo sa Diyos, ang katapatan ninyo sa panalangin, ang pagsisikap ninyong maging tapat, ang malasakit ninyo sa inyong parokya at sa isa’t isa, ang huhubog kay Fr. Jun na maging mabuting pastol ng pamayanang ito,” saad ng Cardinal.
Samantala, nagpapasalamat si Fr. Sescon sa mainit na pagtanggap ng mga mananampalataya ng Quiapo Church kung saan kanyang nadama ang kabutihan at ang kabanalan ng simbahan kung saan nakadambana ang Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Tiniyak ng pari na sa kanyang panibagong misyon ay sisikapin nitong magsilbing gabay sa mga deboto ng Poong Nazareno upang maibsan ang mga pasanin at pagsubok ng buhay.
“Sama-sama po tayong maglakbay sa traslacion ng totoong buhay. sisikapin ko pong tulungan kayong kumapit sa lubid ng pananampalataya at tanggalin at kalagin ang mga otso at buhol ng tukso at pagsubok. Si Jesus Nazareno ang kasama natin, ang siyang tutulak at sasalya sa atin paabante patungo sa pagbabago at kaganapan ng buhay. Siya ang ating tukod at timon upang tayo ay manatili sa tamang landas,” mensahe ni Fr. Sescon.
Si Fr. Sescon ang dating chaplain ng Santo Niño de Paz Chapel sa Greenbelt, at Priest-in-charge ng Mary, Mother of Hope Chapel sa Landmark, Makati.
Agosto 2022 nang hirangin ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula si Fr. Sescon bilang bagong rektor at kura paroko ng Quiapo Church, kahalili ni Msgr. Hernando Coronel.
Katuwang naman ng pari bilang Parochial Vicars ng Basilica sina Fr. Robert Arellano, LRMS, Fr. Hans Magdurulang, at Fr. Jonathan Noel Mojica, habang Attached Priest naman sina Msgr. Jose Clemente Ignacio, Fr. Franklim Villanueva, Fr. Earl Allyson Valdez, at Fr. Yulito Ignacio.