867 total views
Mga Kapanalig, nakababahala ang balita kamakailan tungkol sa pananaksak ng isang 13-taong gulang na bata sa kanyang kamag-aral sa isang paaralan sa Quezon City. Ang biktima ay 15-taong gulang na bata rin. Agad siyang binawian ng buhay sa ospital. Nakikiramay tayo sa kanyang pamilya at mga kaibigan.
Ayon sa mga pulis, pagseselos daw ang dahilan ng hindi pagkakaunawaan ng magkaklase. Nangyari ang insidente bago ang klase ng mga bata. Ayon sa Department of Education-NCR, ang mga nakasaksi sa pangyayari ay bibigyan ng psychological first aid upang iproseso ang kanilang nakita. Bibigyan naman ng tulong ang pamilya ng biktima. Dinala sa kustodiya ng mga pulis ang itinuturong suspek at ituturing na isang batang may suliranin sa batas o child in conflict with the law (o CICL). Bibigyan siya ng intervention at titiyaking siya ay makapag-aaral pa rin gamit ang alternative modes, ayon sa School Child Protection Committee. Hinihikayat ng DepEd ang lahat ng paaralan at komunidad na magtulungan upang palakihin at turuan ang mga bata na may pagpapahalaga sa kapayapaan at tumatanggi sa paggamit ng dahas. Dagdag pa ng DepEd, kailangan ding turuan ang mga batang maging responsableng miyembro ng kanilang komunidad.
Ang school violence ay may matinding epekto hindi lamang sa mga biktima kundi maging sa mga kamag-aral, guro, at lahat ng kawani ng paaralan. Binigyang-diin ng UNICEF na maliban sa psychological effects nito, nariyan rin ang masamang epekto nito sa pag-aaral ng mga bata at sa pagkakaroon nila ng trabaho sa hinaharap. Sa buong mundo, nangyayari ang iba’t ibang porma ng karahasan sa mga paaralan. Sa Pilipinas, bagamat walang opisyal na bilang kung ilang bata ang apektado ng school violence, tinatayang walo sa bawat sampung bata ang nakararanas ng karahasan sa kanilang bahay, paaralan, at komunidad. Ayon ito sa National Baseline Survey on Violence Against Children na ginawa noong 2015.
Paano nga ba mailalayo ang ating kabataan sa karahasan, lalo na sa paaralan?
Maraming dahilang nagtutulak sa isang batang makagawa ng karahasan sa kanyang paaralan. Maaaring dulot ito ng hindi magandang sitwasyon ng kanyang pag-aaral. Maaari ding dahil dati na siyang may karanasan sa paggamit ng karahasan o kaya naman ay may mental health condition. Maaaring naging biktima siya ng karahasan o kaya naman ay nakakakita siya ng karahasan sa kanyang paligid. May ilang nauudyukang maging marahas matapos gumamit ng droga at uminom ng alak. Kung titingnan ang mga dahilang ito, maaari ngang makagawa ng karahasan ang isang batang lumalaki sa isang tahanan o sitwasyong hindi pinakamabuti para sa kanya. Samakatuwid, kailangan ng mga bata ng suporta, pagmamahal, pag-aaruga, at proteksyon upang sila mismo ay hindi maging biktima ng karahasan.
Nakagawa man ng pagkakamali ang batang itinuturong suspek, kailangan siyang tingnan sa kung sino siya—isang batang maaaring nasa sitwasyong may karahasan o nakararanas ng mental condition. Hindi siya dapat tratuhing katulad ng matatandang suspek. Gaya ng sabi sa Awit 127:3, ang mga bata ay kaloob ng Diyos. Kailangan natin silang kalingain nang may galak. Kung ang itinuturong ugat ng pananaksak sa insidente sa paaralan sa Quezon City ay pagseselos, hindi ba’t dapat natin silang turuang makipag-usap nang mahinahon upang lutasin ang hindi pagkakaintindihan? Sabi ni Pope Francis sa Fratelli Tutti, “let us arm our children with the weapons of dialogue”.[4] Mahalagang maturuan ang mga bata sa proseso ng encounter o pakikipagtagpo. Ito ang paraan upang lumaki ang mga batang kayang tumanggap ng pagkakaiba-iba at kayang makipag-usap upang solusyunan ang ‘di pagkakaunawaan.
Mga Kapanalig, anuman ang dahilan ng paggamit ng dahas sa loob ng paaralan, huwag sana nating kalimutang gawin ang pinakamabuti para sa bawat bata—biktima man sila o ang may sala.