2,313 total views
Maging mapagmatyag at kumilos nang mapayapa.
Ito ang panawagan ni Bayay Sibuyanon president Rodne Galicha sa mamamayan ng Sibuyan Island, Romblon hinggil sa mining operations ng Altai Philippines Mining Corporation.
Ayon kay Galicha, hindi makatarungan ang ginagawang operasyon ng APMC, gayong exploration permit pa lamang ang iginawad sa kumpanya at wala pang ganap na pahintulot para sa paghuhukay at paghahakot ng lupa.
“Nauunawaan natin na mayroong iba’t ibang mga tayo ang ating local government units, ang ating mga local official, non-government organizations. Pero alam natin na dapat ang maging tayo ng bawat Sibuyanon ay ang tigilan, pahintuin ang exploration activities ng mining company. Bakit dapat pahintuin? Dahil exploration pa lang ay naghahakot na sila ng lupa,” bahagi ng pahayag ni Galicha.
Sinabi ni Galicha na mahalaga ang presensya at pahintulot ng taumbayan sa bawat proyekto lalo na kung maaapektuhan nito ang kalikasan at ang kaligtasan ng mga tao.
Ang anumang reaksyon at mungkahi ng publiko hinggil sa proyekto ay dapat na igalang ng kumpanya at iba pang sangkot sa proyekto dahil ang taumbayan ang mismong nakakaalam ng maaaring maidulot nito sa kanilang paligid at buhay.
“We have our own role as well, tayong mga tao, because the power lies on us. May kapangyarihan ang mga tao na tayuan kung ano ang hindi kayang tayuan ng ating mga pinuno. Kung ang ating mga pinuno ay nagsasabi na ito ang sinasabi ng batas ay sasabihin din natin na ang ating mga ginagawang aksyon ay nakapaloob din sa batas,” ayon kay Galicha.
Samantala, umaasa naman ang mga opisyal ng Barangay España, San Fernando, Romblon na mapapagtibay at maipapatupad ng Sangguniang Bayan ng San Fernando ang 25-year mining monatorium ordinance upang mapigilan ang pagpasok ng mga mining companies sa Sibuyan Island.
Kaisa naman ng mamamayan ng Sibuyan Island ang Diocese of Romblon laban sa patuloy na pagtatangkang sirain ang likas na yaman ng isla.