104,470 total views
Mga Kapanalig, emosyonal na inamin ni Pangulong BBM na kulang pa rin ang ginagawa ng gobyerno para tuldukan ang sekswal na pang-aabuso sa mga bata, lalo na sa online.
Gusto nating isiping sinsero ang pangulo dahil ama rin siyang may mga anak. “An overwhelming sense of shame” o napakalaking kahihiyan daw ang hayaang mangyari at magpatuloy sa ating bansa ang tinatawag na online sexual abuse and exploitation of children (o OSAEC). “We must do more,” giit niya sa kanyang talumpati kamakailan sa isang pagtitipon para pag-usapan ang karumal-dumal na krimeng bumibiktima sa mga musmos.
Batay sa Republic Act No. 11930 o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act, ang OSAEC ay ang paggamit ng information and communications technology (o ICT) para abusuhin at pagsamantalahan ang mga bata. Kasama sa mga porma nito ang pagpapakalat ng larawan ng mga menor de edad, pagbubugaw sa kanila gamit ang internet, at pag-livestream ng aktwal na sekwal na pang-aabuso sa kanila. Sa madaling salita, ginagawang sexual objects o parang kalakal ang mga bata para gawing libangan ng mga nakatatanda.
Sa Catholic social teaching na Amoris Laetitia, isa ang sekswal na pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata sa mga tila anay na sumisira sa mga pamilya. Isa itong iskandalo at kasuklam-suklam na katotohanan sa ating lipunan ngayon. Mas malaking iskandalo ito kung nagaganap ang pang-aabuso at pagsasamantala sa mga bata sa mga lugar kung saan sila pinakaligtas dapat gaya ng kanilang tahanan, eskuwelahan, komunidad, at maging sa simbahan. Nakapanlulumong isiping sa murang edad ng mga batang biktima ng OSAEC, nadungisan at nawasak na ang kanilang dignidad at kinabukasan.
Sa datos ng Philippine National Police (o PNP) noong 2023, lampas 17,000 ang ini-report na kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata, at kasama sa mga ito ang OSAEC. Hanggang noong Nobyembre ng nakaraang taon, mahigit sanlibong biktima ng OSAEC ang naitala ng kapulisan. Siguradong maraming kaso ang hindi pa o hindi na naiparating sa kinauukulan.
Ang mga internet companies naman sa bansa ay nagsabing nakapag-block sila noong isang taon din ng mahigit 900,000 na websites na naglalaman ng child sexual abuse and exploitation materials. Nakapag-monitor sila ng mahigit dalawang milyong attempts o pagtatangkang pumunta sa mga websites na naglalaman ng mga larawan at video kung saan ginagawa ngang sexual objects ang mga menor de edad.
Sa isang pagsasaliksik na ginawa naman ng International Justice Mission, lumabas na noong 2022 lang, halos kalahating milyong batang Pilipino ang biktima ng online human trafficking. Para silang mga produktong ikinakalakal at ibinebenta online sa mga tinatawag na sexual predators o mga nakatatandang hayók sa laman. Ang lubhang nakababahala, ayon pa rin sa pag-aaral, mismong mga kamag-anak o kakilala ng mga biktima ang nagbubugaw sa mga bata.
Mga Kapanalig, katulad ng naramdaman ni Pangulong BBM, napakabigat sa kaloobang malaman na laganap ang OSAEC sa ating bansa. Ngunit ang pagpigil dito ay magsisimula sa ating mga tahanan, paaralan, at maging sa simbahan. Obligasyon nating mga nakatatandang tiyaking ligtas ang mga bata. Napakabilis na ng komunikasyon ngayon at dagdag na panganib pa ang pagsikat ng AI o artificial intelligence. Maging responsable tayo sa paggamit ng teknolohiya, at turuan din natin ang ating mga anak at apo na maging maingat din. Isama dapat sa curriculum sa mga paaralan ang pagtuturo ng online literacy para alam na ng mga batang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa pang-aabuso. Maging masigasig din dapat ang gobyerno sa pagtugis sa mga bumibiktima sa mga bata. Wika nga sa Mga Awit 82:4, “sa kamay ng masasama, [ang mga bata] ay dapat na iligtas.”
Sumainyo ang katotohanan.