769 total views
September 26, 2020-2:02pm
Ang lahat ng nilalang ng Diyos ay biyaya para sa lahat ng sangnilikha.
Ito ayon kay Fr. Pete Montallana, OFM-chairperson ng Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA), kasabay ng paggunita sa Season of Creation.
Paliwanag ng pari na maibabahagi ang pagmamahal sa kalikasan sa pamamagitan ng pangangalaga sa lahat ng mga nilalang ng Diyos, tulad ng mga hayop at halaman na malaki ang naitutulong at nagbibigay rin ng buhay para sa mga tao.
“Lalo na ngayong nasa season of creation tayo, maganda na nakikita natin na sa ating pananampalataya, ang lahat ng nilalang ng Diyos ay regalo niya sa atin. Ang pagmamahal natin ay maipapaliwanag natin sa pamamagitan ng pag-aalaga ng kaniyang ginawa para sa atin kasi mahal tayo ng Diyos e. Kailangan nating alagaan ang kanyang mga regalo sa atin kasi yan naman ang nagbibigay ng buhay sa atin,” ayon kay Fr. Montallana sa panayam ng Radyo Veritas.
Tinututulan rin ni Fr. Montallana ang New Centennial Water Source–Kaliwa Dam Project na balak ng pamahalaan na itayo sa bulubundukin ng Sierra Madre dahil sa epekto nito kalikasan lalo na sa mga katutubong naninirahan doon.
Itinanggai rin ng pari na pinahintulutan ng mga katutubong ang pagtatayo ng Kaliwa Dam.
“Nilabag nila yung pagmamay-ari ng katutubo sa Sierra Madre. ‘Yung kanilang nilabas na mga sinasabi ng MWSS na ang katutubo raw pumayag na, e niloko lang nila naman yung mga katutubo e. More than majority naman ng mga katutubo na, NO, ayaw nila ng Kaliwa dam pero minanipulate ng MWSS.”, pagbibigay-diin ng pari.
Hiniling naman ni Fr. Montallana sa pamahalaan na huwag nang itayo ang Kaliwa Dam na malaki ang maidudulot na pinsala sa Sierra Madre.
“Sana kung talagang mahal natin ang Sierra Madre, ‘wag na itutuloy ang kaliwa dam; ‘wag na itutuloy ang pagmimina doon sa Nueva Vizcaya, sa Didipio; ‘wag nang itutuloy ang pagtatayo pa ng mga coal-fired power plant sa Quezon. ‘Yan ang totoong pangangalaga ng kalikasan. At sana ay wag nang gagawin pang tuluy-tuloy ‘yung Ilagan-Divilacan Road, na yun ay pumutol nang napakaraming kahoy na talagang doon sa bandang Isabela at nadi-displace din doon yung mga katutubo.” Dagdag pa ng pari.
Ang Kaliwa Dam Project ng MWSS na nagkakahalaga ng mahigit PHP 12.20-Bilyon ay layuning makapagbigay ng karagdagang patubig sa buong Metro Manila at karatig na lugar.