10,469 total views
Kalakip ng paglikha ng Diyos sa mundo ang dakilang tungkuling pangalagaan, panatilihin, at pagyabungin ang sangnilikha.
Ito ang pagninilay ni Antipolo Bishop Ruperto Santos, na siya ring kura paroko ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage, kaugnay sa pananalasa ng Bagyong Enteng at Habagat sa bansa na kasabay rin ng pagdiriwang sa Season of Creation ngayong taon.
Ayon kay Bishop Santos, ang mga naranasang pagbaha sa ilang lugar sa Luzon at Visayas sa pagpasok ng Setyembre ay labis na nagdulot ng abala sa iba’t ibang aspeto ng buhay, lalo na sa mga pamilyang naghihinagpis dahil sa pagkawala ng mga mahal sa buhay.
Sinabi ng obispo na bagamat may kakayahan ang pamahalaang harapin ang mga ganitong pangyayari, ang mga mapaminsalang pagbaha ay nagpapakita ng mga epekto ng ilegal na quarrying at deforestation partikular na sa lalawigan ng Rizal.
“Throughout the decades, people have committed acts that brought devastating consequences for human beings and the environment. Pollution and destruction of the environment have been widespread. Deforestation reduces soil’s ability to absorb water causing it to run off instead,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Hinikayat naman ni Bishop Santos ang lahat na ipakita ang pagtalima at paninindigan sa dakilang tungkuling pangalagaan, panatilihin, at pagyabungin ang mga likas na yamang ipinagkatiwala lamang ng Poong Maylikha sa sangkatauhan.
Aniya, maaaring ito’y sa pamamagitan ng pag-aalay ng suporta sa anumang paraan habang nagsisikap ang bawat isa na maging mabubuting katiwala ng nag-iisang tahanan, at gawing mas makabuluhan para sa lahat at sa mga susunod pang henerasyon.
“By taking care of the environment, we not only honor God but also demonstrate our potential to create a brighter future for ourselves and future generations,” ayon kay Bishop Santos.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 740-libong pamilya o halos 2.8 milyong indibidwal ang apektado ng nagdaang kalamidad sa 10 rehiyon sa bansa, kung saan nasa 20 na ang naitatalang nasawi at 26 ang nawawala.