13,936 total views
Tiniyak ng National Shrine of Our Lady of Lourdes ang patuloy na pagkalinga sa mga may sakit.
Ito ang pangako ni Father Jefferson Agustin OFMCap -Rector at Parish Priest ng Dambana sa paggunita ng World Day of the Sick kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of Lourdes tuwing February 11.
Ayon sa Pari, tuwing sabado sa dambana ay iniaalay ang misa para sa paggaling ng mga may kapansanan hindi lamang sa pisikal kungdi pati narin ang mga mentally at emotionally ill.
“Kaya nawa ang pagdiriwang natin ng kapistahang ito ay magkamit sa atin ng kagalingan hindi lamang pisikal kung hindi espiritwal, sikolohikal, emosyonal so lahat naman tayo ay nangangailangan ng kagalingan, kaya anuman ang ating mga karanasan ngayon, asahan natin ang Mahal na Ina at nananalangin sa atin at kumakalinga sapagkat ang pambasang dambana ay tahanan ng Mahal na Birhen ng Lourdes,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Agustin.
Ibinahagi din ni Father Agustin ang pagdadala ng imahen ng Our Lady of Lourdes sa ibat-ibang ospital upang manalangin at hilingin ng mga may karamdaman ang pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria tungo sa Kanilang paggaling.
Ngayong 2024, itinalaga din ng Kaniyang Kabanalang Francisco ang World Day of the Sick sa temang “Healing the Sick by Healing Relationships” na bukod sa pagkalinga sa mga may kapansanan ay nakatuon din sa paghilom ng mga nasirang relasyon ng mga magkakamag-anak, kaibigan o kakilala.
Sa bahagi ng Caritas Philippines at Caritas Manila ay patuloy ang pagtulong sa mga mayroong may kapansanan sa pamamagitan ng ibat-ibang financial aid mula sa pinagsama-samang donasyon ng mga may mabubuting loob.