327 total views
Nais ng Diocese of Romblon na palakasin pa ang kanilang kahandaan sa mga kalamidad sa mga susunod na taon.
Ayon kay Rev. Fr. Ric Magro, Social Action Director ng Diocese, hangad niya na makapagtayo ng warehouse at makapag-imbak ng mga relief goods sa kanilang mga isla kung saan agad itong magagamit kapag kinailangan ng relief operation matapos ang pagdaan ng isang kalamidad.
Aminado si Fr. Magro na suliranin para sa kanila ang pagdadala ng mga relief goods dahil na rin sa pagkakalayo-layo ng mga isla sa mismong bayan at kawalan ng sapat na kapasidad sa transportasyon.
Sinabi ng Pari na nais din nilang masolusyunan ang problema sa komunikasyon kung saan hirap siya na makipag-ugnayan sa mga kura-paroko kapag mayroon pananalasa ng bagyo.
“Meron na ako dito na Satt. Phone galing sa NASSA [Caritas Philippines] pero hindi ko din naman ma-contact ang mga Parish Priest kasi sila wala din silang signal, kaya sana magkaroon kami ng komunikasyon sa kanila through radio para kahit walang signal in times of calamity we can contact them,”pahayag ni Fr. Magro.
Sa kasalukuyan ay kumikilos na ang Social Action ng diocese of Romblon upang makapaghanap ng suporta sa kanilang binabalak na proyekto at pagpapalakas ng kahandaan sa kalamidad.
“Im trying to look for funding para mapalakas ang aming Disaster preparedness and response, we hope that through Radio Veritas makahanap tayo ng mag-fund para magawa natin ito,” dagdag ni Fr. Magro.
Magugunitang ang Diocese of Romblon ay isa sa mga labis na napinsala ng bagyong Nona noong Disyembre ng taong 2015.
Tinatayang umabot sa 4 na libong pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa naturang lalawigan kung saan tumugon naman ang Simbahang katolika sa pamamagitan ng pagbabahagi ng relief goods at pagtataguyod ng mga proyekto para maipatayo ang kanilang mga nasirang bahay at magkaroon ng kabuhayan ang mga residente.