205 total views
Nangako ang Department of Interior and Local Government na hindi magkakaroon ng whitewash sa kaso ng pagpatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. sa loob ng selda nito sa Baybay City Provincial Jail.
Binigyang diin ni DILG Secretary Ismael Sueno, na nagpapatuloy ngayon ang masusing imbestigasyon ng DILG Internal Affairs, bukod pa sa imbestigasyong isinasagawa ng Philippine National Police.
Samantala, bukas naman ang kalihim sakaling magsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang National Bureau of Investigation sa naturang insidente.
“Kami, kung anu man ang nangyari talaga, we will not whitewash, talagang we will have it investigated thoroughly, at kung sino man ang may kasalanan doon dapat sya ang managot. Ang masabi lang namin sa inyo, we will conduct a very thorough investigation, kasi that has to be answered, lahat ng questions na tinatanong ng publiko dapat should be answered,” pahayag ng kalihim sa Radyo Veritas.
Nilinaw naman ng kalihim na walang kinalaman o walang ipinag-utos ang administrasyon na patayin si Mayor Espinosa dahil itinuturing itong malaking asset para sa lumalawak na imbestigasyon kontra sa iligal na droga.
Sa tala ng PNP umaabot na sa 4,000 ang napatay sa laban kontra iligal na droga ng pamahalaan mula noong Hunyo 2016.
Dahil dito, patuloy na iginigiit ng Simbahan ang pagpapairal ng batas at ang paggalang sa kasagraduhan ng bawat buhay, maging buhay man ng mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga.