202 total views
Nangangamba ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity na mauuwi na naman sa wala at technicalities ang imbestigasyon ng Department of Justice, Philippine National Police at Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs at Senate Justice Committee sa pagpatay kay Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.,na isa sa mga extra-judicial killing cases sa war on drugs ng pamahalaan.
Kaugnay nito, hinimok ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng kumisyon ang taumbayan na maging mapagmatyag, magsalita at huwag manahimik upang matigil na ang tumataas na bilang ng EJK sa bansa at pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga otoridad.
Umaasa din ang Obispo na tunay na mabibigyang kasagutan ng mga isinasagawang imbestigasyon ang dahilan ng pagkamatay ni Espinosa sa kamay ng mga operatiba ng PNP-CIDG Region 8.
“Ewan ko lang kung gaano kabilis ang imbestigasyon at kung sinong mananagot diyan. Nakakatakot baka yan ay mauwi lang naman sa mga technicalities. Masama yung tayong mga Filipino parang akala nila sa atin walang alam, na kahit na ano ay puwedeng patunayan na gawin. So ganun na ba sila kamanhid sa mga tao? Kaya dapat ang mga tao ay magsalita na rin at hindi dapat manahimik kasi nakita natin kung anong nangyari sa isang Mayor na may kapangyarihan, paano yung ibang mga taong maliliit?” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Unang binigyang diin ng Commission on Human Rights na maaring ituring na kabilang sa mga kaso ng Extra Judicial Killings ang pagkamatay ng sumukong alkalde na namatay mismo sa loob ng kanyang selda sa Baybay City Provincial Jail.
Samantala, batay sa pinakahuling datos ng Philippine National Police, tinatayang umaabot na sa higit 4 na libo ang napatay sa ilalim ng patuloy na War on Drugs ng pamahalaan mula noong buwan ng Hulyo kabilang na ang ilang mga kusang sumuko sa ilalim ng programa ng PNP na Oplan Tokhang.