915 total views
Sinuman ay walang karapatan kunin ang biyaya ng buhay na kaloob ng Diyos.
Inihayag ito ni Father Eric Adoviso – Minister ng Manila Archdiocese Ministry for Labor Concerns (AMLC) matapos himukin ng International Labor Organization (ILO) ang Pamahalaan ng Pilipinas na imbestigahan ang mga paglabag sa karapatang pang-tao ng mga manggagawa ng bansa.
Ito nang inulat ng International Trade Union Confederation (ITUC) ang mga pangyayari ng paniniil, red-tagging at pagpaslang sa may sampung mga Trade Union Leaders.
“Dahil ba itong mga manggagawa na ito ay minsan sasabihin nalang ng pamahalaan an sila’y mga komunista, ito ay red-tagging wala naman itong ginagawa kungdi mag-tanggol lamang para sa karapatan ng manggagawa at wala naman tayong karapatan kumitil ng buhay kahit pa sabihin natin na- anuman ang sabihin natin sa kanila kung talagang sinasabi mo mga komunista yan, patunayan mo,” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa Pari.
Pagbabahagi rin ni Father Adoviso, mahalaga ang diyalogo sa pagitan ng mga manggagawa at mga namumuhunan o sa kanilang mga employers.
Ito ay upang parehong makamit ang layunin ng pananatili ng trabaho ng mga manggagawa at hindi pag-iwas sa pagkalugi ng mga negosyo at establisyemento.
“Mahalaga yung dialogue, magkaroon ng dialogue sa pagitan ng mga namumuhunan at ng mga manggagawa kasi kinikilala naman natin na talagang bagsak ang ekonomiya pero hindi naman ang tahasang pag-aalis ng mga manggagawa,” pagbabahagi ng Pari.
Labis ding kinilala ng Pari ang pagpaparating ng ILO ng mensahe kung saan kaniyang naging apela ang mas pinaigting pakikiisa ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga imbestigasyon.
Bukod sa DOLE, mahalaga rin aniya ang pag-agapay ng Commission on Human Rights (CHR) at International Court of Justice (ICJ) upang mabigyan ang katurungan ang mga biktima ng pagpaslang at paniniil.
“Pwede naman kasing pumunta diyan ‘yung Commission on Human Rights dahil yan ay paglabag ng karapatang pang-tao, imbestigahan yan i-commission- pwede namang pumasok ang human rights diyan pero kung ito ay nasa husgado at dinidinig edi mas maganda rin yan nagsampa ang mga laban don sa mga hinihinala ay ‘yung mga suspected no pero sabi mo nga, maraming pamamaraan, pwedeng idulog sa commission pwedeng idulog sa international court of justice yung mga ganito,” ayon pa sa Pari.
Una ng tiniyak ng DOLE ang pakikiisa sa mga isinasagawang imbetigasyon, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ito ay sa tulong ng Regional Tripartite Monitoring Bodies (RTMB), Dagdag pa dito ay dinidinig na rin ayon sa Korte ayon sa kalihim ang mga kaso ng pagpaslang sa mga Trade Union Leaders at members.