543 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na patuloy magtiwala sa Panginoon sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap dulot ng krisis pangkalusugan.
Ayon kay Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, ang Southwest Luzon Representative ng CBCP Permanent Council, marapat tularan ang Mahal na Birheng Maria na buong kababaang loob na tinanggap ang maging Ina ng Anak ng Diyos sa kabila ng mga takot at pangamba.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng kapistahan ng kapanganakan ng Mahal na Ina nitong ikawalo ng Setyembre.
Ipinaalala ng Obispo sa bawat isa na maging matatag sa pagharap sa hamon ng buhay.
“Sa gitna ng pandemya marami ang nangangamba, may matitinding takot ngunit sa lahat ng iyan ay panghawakan natin ang pananalig at pagtitiwala sa Diyos; na hindi tayo pababayaan ni Hesus,” pahayag ni Bishop Vergara sa Radio Veritas.
Partikular na tinukoy ng obispo ang mga frontliners sa lipunan na puno rin ng pangamba sa sariling kaligtasan mula sa nakahahawang COVID-19 at ang pagkasabik na makapiling ang pamilya.
Dahil dito hinimok ni Bishop Vergara ang mamamayan na ipagdasal ang mga medical at service frontliners upang maibsan ang kanilang nararamdamang takot at pagod sa paglilingkod sa mamamayan.
PASIG CATHEDRAL REOPENING
Ikinagalak din ni Bishop Vergara ang muling pagbubukas ng Immaculate Conception Cathedral sa mismong kaarawan ng Mahal na Birheng Maria.
Paliwanag ng obispo makahulugan ito lalo’t ang kapangakan ay simbolo ng bagong simula.
“Nagagalak kami unang-una kapag sinabi nating pagdiriwang ng pagsilang; ng kaarawan ay signal po yan ng bagong buhay at simula,” dagdag pa ni Bishop Vergara.
Magugunitang isinara sa publiko ang naturang simbahan nang sumailalim sa preventive quarantine ang lahat ng kawani makaraang magpositibo sa corona virus si Rev. Fr. Bernardo Carpio, ang parochial vicar ng katedral na kalaunan ay gumaling mula sa karamdaman.
Paliwanag pa ni Bishop Vergara, may ilang araw nang natapos ang quarantine period sa simbahan ngunit napagdesisyunan ng pamunuan na muli itong buksan ngayong araw na ito kasabay ng kapistahan ng kapanganakan ng Mahal na Birhen.
Sinabi ng Obispo na malaking kapistahan ito ng Pasig bagamat ang patron nito ay Immaculate Conception na ipagdiriwang ng simbahang katolika tuwing ikawalo ng Disyembre sapagkat ito ay mahalagang araw sa Mahal na Ina.
Tiniyak ni Bishop Vergara na mahigpit ang pagpapatupad ng cathedral ng safety health protocols sa loob ng simbahan lalo na ang 3 metrong agwat para sa physical distancing batay na rin sa patakaran ng lungsod Pasig upang matiyak ang kaligtasang pangkalusugan ng mga mananampalataya.
Limitado pa rin sa sampung porsyento ng kabuuang kapasidad ng simbahan ang pinapayagang makadadalo sa misa alindunod na rin sa patakaran ng Inter Agency Tasks Force.