161 total views
Naniniwala ang Public Services Labor Independent Confederation (PSLINK) na masosolusyunan lang ang overtime pay issue ng mga kawani ng Bureau of Immigration kung idadaan sa isang maayos na dayalogo.
Ayon kay PSLINK advocacy head Jillian Roque, karapatan ng mga kawani ng BI na makuha ang overtime pay para matugunan ang kanilang arawang pangangailangan.
“Malaki ang negative impact niyan. Ang posisyon namin sa PSLINK, kailangan talagang ma-address iyan ng maayos at hindi puwede yung pagmamatigas ng DBM na kesyo hindi puwedeng gamitin yung express lane na pondo diyan. Kailangang umupo at magdayalogo kasi karapatan ng manggagawa yan tapos biglang all of a sudden matatanggal ang overtime pay nila,”pahayag ni Roque sa Radio Veritas.
Iginiit din ni Roque na dahil sa mababang suweldo ng mga immigration officer kaya isinulong ni dating senador at Immigration Commissioner Miriam Defensor-Santiago ang paggamit ng Express Lane Funds bilang kabayaran sa overtime pay ng mga manggagawa.
Kaugnay nito, nasasaad sa Labor Code of the Philippines ang non-dimination of benefits o ang pagbabawal sa mga employer na bawasan, ihinto at tanggalin sa isang empleyado ang kanyang benepisyo kabilang na ang pribilehiyo sa seguridad at kalusugan gayundin ang service incentive leave.
Una nang binigyang-diin ng Kanyang Kabanalan Francisco, ang pagkakaroon ng marangal na trabaho ng isang tao na may sapat na sahod at benepisyo na tutugon sa pangangailangan ng kanyang pamilya ay karapatang hindi dapat ipagkait sa kanya.
Naunang inirekomenda ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino ang administrasyong Duterte na tapyasan ang malalaking sahod ng mga opisyal ng gobyerno at ibigay sa mga kawani ng pamahalaan na kakarampot lang ang suweldo.
Read:
http://www.veritas846.ph/manpower-crisis-sa-naia-lumalala/