135 total views
Walang matibay na batayan ang impeachment complaint na isinampa kay Vice President Leni Robredo kung ibabatay lamang ito sa ipinadalang video message ng bise presidente sa pagpupulong ng United Nations Commission on Narcotics Drug.
Ayon kay Veritas 846 Senior Political Advisor Prof. Ramon Casiple – Executive Director ng Institute for Political and Electoral Reform, dahil sa demokrasyang umiiral sa bansa ay may karapatan ang mga opisyal ng pamahalaan na maghayag ng kanilang puna at kumento sa kasalukuyang estado ng bansa na hindi maituturing na betrayal of public trust o culpable violation of the constitution.
Paliwanag ni Casiple, maari lamang tugon ito ng mga taga-suporta ng Pangulo sa una nang inihaing impeachment complaint laban dito.
“Actually walang basis kung usapin lang ng substance yung video na sinasabi, in a democracy you are allowed to do it lalo na kung opposition ka, wala namang anything na puwedeng sabihing betrayal of public trust or culpable violation of the constitution, mga grounds yan na mabibigat, kaya nga tingin ko dun immediate reaction dahil dun sa impeachment complaint na inihain against the President…”pahayag ni Casiple sa panayam sa Radio Veritas.
Gayunpaman, ipinatitigil ng Pangulong Duterte ang pagsasampa ng kaso laban sa bise presidente na isang halal na opisyal ng bayan at makasisira lamang sa kasalukuyang istruktura ng pamahalaan.
Nauna rito, iginiit ni San Beda College Graduate School of Law dean Father Ranhilio Aquino na hindi pagtataksil sa bansa ang mga pahayag ni Robredo sa U-N.
See: http://www.veritas846.ph/mensahe-ni-robredo-sa-un-hindi-pagtataksil-sa-pilipinas/
Bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan ukol sa politika ang seryoso at kawalan ng sariling interes ng bawat opisyal sa posisyon at kapangyarihan upang tunay na mapaglingkuran ang taumbayan ng tapat at dalisay.