256 total views
Hindi na mapipigilan ang dalawang impeachment complaint sa Kongreso laban kina Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at Commission on Election Chairman Andres Baustita.
Ipinaliwanag ni Veritas 846 Senior Political Adviser Prof. Ramon Casiple, Executive Director ng Institute for Political and Electoral Reform, napaka-pulitikal ng proseso ng impeachment kung saan nakabatay o nakasalalay sa boto ng mga mambabatas kung sufficient in form and in substance ang inihaing impeachment complaint.
Dahil dito, marapat lamang bantayan ang mga kabuuan ng proseso at mga mga ihahaing ebidensya kaunay sa reklamo.
“Malaki ang chances niyan na magtuloy tuloy yan given yung mga super majority. Kung usapin lang ng may batayan tingnan natin kung may bago pero kung mga lumabas lang dun sa articles of impeachment mukhang malabo, ang problema sa impeachment napaka-pulitikal na process na dapat bantayan for the next few months…”pahayag ni Casiple sa panayam sa Radio Veritas.
Paliwanag ni Casiple, maituturing na napaka-pulitikal ng impeachment dahil sa nakasalalay sa mga mambabatas ang desisyon.
Sa ilalim ng Saligang Batas ang impeachment ay ang paraan ng pagpapaalis sa posisyon sa mga pinakamataas na opisyal ng bansa, kabilang na ang Presidente, Bise-presidente, Chief Justice at Justices ng Supreme Court at maging Chairman at Commissioners ng mga Constitutional Commissions.
May apat na pangunahing dahilan upang ipa-impeach ang mga opisyal kabilang na dito ang Treason o pagkampi sa kalaban ng bansa sa panahon ng giyera, Betrayal of public trust o pagtataksil sa tiwalang ibinigay ng taumbayan, Graft & corruption at anumang paglabag sa Saligang Batas.
Nagsisimula sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang proseso ng impeachment kung saan uupo bilang piskal ang mga Kongresista na siyang magdedesisyon sa sufficient in form and in substance ang inihaing impeachment, kung mapatunayang sufficient in form and in substance ang naturang reklamo ay susunod naman sisiyasatin ang pagkakaroon ng matibay na ebidensya o kung may probable cause.
Matapos ito ay iaakyat sa Senado ang impeachment complaint kung saan magsisilbi naman itong Hukuman habang ang mga Senador naman ang mga Hukom na magsusuri at magdidesisyon sa kung nararapat bang tanggalin o hindi ang opisyal sa kanyang katungkulan.