4,190 total views
Inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa huling araw ng sesyon ng Kamara.
Ang hakbang ay dulot ng mga paratang laban sa kanya, kabilang ang pakikipagsabwatan upang ipapatay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., malawakang katiwalian, pang-aabuso sa pondo ng gobyerno, at pagkakasangkot sa mga extrajudicial killings.
Ayon sa ulat, 215 mambabatas ang bumoto pabor sa pitong Articles of Impeachent laban sa Bise Presidente.
Ang hakbang ay magiging daan para sa paglilitis sa Senado, kung saan haharapin ni Duterte ang kaso sa Impeachment Court.
Itinalaga naman ng Kamara ang 11-mambabatas na tatayo bilang Prosecution Panel na binubuo nina Rep. Gerville R. Luistro, Romeo Acop, Rodge Gutierrez, Joel Chua, Jil Bongalon, Loreto Acharon, Marcelino Libanan, Arnan C. Panaligan, Ysabel Maria J. Zamora, Lorenz R. Defensor, at Jonathan Keith T. Flores.
Ang impeachment complaint laban kay Duterte ay nakatuon sa anim na pangunahing paratang na kinabibilangan ng: Pakikipagsabwatan sa Planong Pagpaslang; Paglustay sa P612.5 Milyong Confidential Funds; Panunuhol at Katiwalian sa DepEd; Hindi Maipaliwanag na Yaman at Pagkabigong Ipagbigay-alam ang mga Ari-arian; Pagkakasangkot sa Extrajudicial Killings (Davao Death Squad); at Destabilization, Insurrection, at Public Disorder
Makaraang pagtibayin sa Mababang Kapulungan, agad na ipinadala ni Speaker Romualdez ang mga Articles of Impeachment sa Senado, kung saan haharapin ng Pangalawang Pangulo ang paglilitis sa Impeachment Court.
Kinakailangan na lamang ng two-thirds vote ng Senado upang hatulan at tanggalin si Duterte sa puwesto.
Sakaling mapatunayang nagkasala, siya ay hindi na maaring humawak ng anumang pampublikong posisyon sa hinaharap.