287 total views
Ang impormal na sektor ay integral sa survival ng ating lipunan. Napakahalaga nito sa pang-araw araw na buhay ng bawat Filipino, pero ang sektor na ito ang isa sa mga lubhang nakakalimutan pagdating sa mga benepisyo at serbisyo. Hanggang kailan kaya magiging outsider ang impormal na sektor sa pagsulong ng ating bayan?
Ayon sa World Cities Report 2022, karaniwang umaabot pa sa mahigit 70% ng employment ang ambag ng impormal na sektor sa mga developing countries gaya ng Pilipinas. Ngayong panahon ng kahirapan, pataas na pataas ng inflation rate, at ang malawakang importasyon ng iba-ibang produkto, mas nanganganib ang survival ng mga informal businesses. Paano na ang mga manggagawa dito? Ano ang magiging epekto nito sa ating bansa?
Alam mo ba kapanalig, na tinatayang umaabot sas P5.013 trillion ang ambag ng informal workers sa ating ekonomiya? Kung pababayaan natin ang ating mga informal workers, buong bayan ang mahihirapan. Hindi man natin pansin, binibuhat ng informal workers ang ekonomiya ng bayan sa kanilang mga balikat. Halos ikatlo na ng pambansang ekonomiya ang ambag nila.
Malaki ang epekto ng importasyon sa ating informal workers dahil ang mga produktong kanilang binebenta ay nawawalan na ng espasyo sa merkado. Karaniwang mas mura ang tinda mula sa imports, kaya kadalasang hindi na napapansin ang lokal na produkto. Karaniwan itong nangyayari sa mga magsasaka, kaya’t nabubulok na lamang ang kanilang mga paninda.
Ang pwesto rin, kapanalig, ay isyu sa mga impormal na manggagawa. Dahil sa mahal ng renta sa mga commercial spaces, kahit sa bangketa, nagbebenta ang mga informal workers. Mas kita na sila sa mga lugar na ito, nakakatipid pa sila dahil libre. Kaya nga lang, patakbo takbo sila kada may pulis o MMDA na aaligid. Bawal magbenta sa mga lugar na ito, pero dahil sa pangangailangan, okay lang sa kanila ang parang maging mga dagang nagtatago pag andyan na ang otoridad.
Maliban sa matumal ang benta at kawalan ng espasyo, problema pa rin ang benepisyo para sa mga informal workers. Bawal mag-absent sa kanila dahil mawawalan sila ng kita. Kalimitan, wala rin silang sickness benefit, o pension na maasahan dahil nga wala silang social protection. Bilang mga miyembro ng impormal na sektor, tila wala sila sa radar ng mga ahensya gaya ng SSS.
Ang kapakanan ng impormal na manggagawa ay kapakanan ng lahat, kaya’t nakakapagtaka na ang ating lipunan ay hindi inklusibo – outsider lagi ang informal workers lalo na pagdating sa espasyo, benepisyo, at serbisyo. Kaya nga’t nanawagan si Pope Francis sa 109th International Labor Conference (ILC) ng pantay na proteksyon para sa lahat, at ng pagbibigay suporta sa mga bulnerable sa pamamagitan ng social protection programs para matiyak ang kanilang access sa health services, sa pagkain, at iba pang batayang pangangailangan. Kapanalig, ang informal workers ay mga kapwa nating nakahabi sa ating lipunan – kapag sila ay nawala, tastas din ang kaayusan ng ating buhay.
Sumainyo ang Katotohanan.