186 total views
Kinakailangang maging bukas ang pamahalaan sa mga impormasyon kaugnay sa tunay na sitwasyon ng bansa sa gitna ng banta ng patuloy na pagkalat ng 2019 Novel Coronavirus.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo–chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, ito ay upang maging bukas ang kamalayan ng mamamayan sa mga naaangkop na hakbang upang maging ligtas mula sa pagkalat ng sakit.
Paliwanag ng Obispo, hindi dapat na linlangin ng pamahalaan ang taumbayan upang mapanatag mula sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
“Yung appeal natin ay patuloy sanang maging open ang ating gobyerno sa ganitong mga balita para alam ng mga tao, patuloy na gabayan ang mga tao kasi sila naman ang mayroong kakayahan na mag-aral nitong mga virus na ito,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Umapela rin ang Obispo sa mga ospital sa bansa na maging handa sa pagtanggap ng lahat ng mga may sakit lalo na ang mga mahihirap.
Dagdag pa ng Obispo, dapat na maging patas ang pagtugon at pagkakaloob ng tulong medikal sa bawat mamamayan upang na malunasan at hindi na kumalat pa ang nakamamatay na sakit.
“Maging handa sa pagtanggap sa mga may sakit, ang iniisip natin yung mga mahihirap, sana tanggapin kaagad at sana huwag na masyadong pahirapan sa mga ospital natin, sa mga health centers natin kasi kung hindi mas lalong kakalat itong virus na ito, so lalo na sa mga mahihirap sana maging handa sila na tanggapin ang ganitong mga kaso,” dagdag pa ng obispo.
Sa tala ng Department of Health mayroon ng tatlong kumpirmadong kaso ng 2019 nCoV sa Pilipinas.
Idineklara na rin ng World Health Organization (WHO) ang “global health emergency” dahil sa pagkalat ng novel-coronavirus sa halos 28 bansa kung saan naitalang umaabot na sa mahigit 25,000 ang kumpirmadong nagtataglay ng sakit habang mahigit sa 500 naman ang namatay.
Sa Pilipinas, naitala ang unang kaso ng pagkamatay ng dahil sa nCoV-ang kauna-unahang nasawi sa labas ng China na pinagmulan ng sakit.