243 total views
Nananawagan ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na kagya’t na ipagbigay alam sa mga otoridad ang mga ulat kaugnay sa banta sa kaligtasan lalu’t isasagawa ang 30th Association of Southeast Asian Summit o ASEAN sa bansa simula Abril 26-29.
Sa panayam ng programang Veritas Pilipinas, sinabi ni PNP spokesperson PSSupt. Dionard Carlos sa halip na ipakalat ang impormasyon sa social media, dapat itong ipaalam sa pulisya nang sa gayun ay malaman ang katotohanan ng ulat at makapaghanda.
Dagdag pa ni Carlos, hindi rin maaring iugnay ang terorismo na nangyari sa Bohol at umabot ang mga bandido sa Metro Manila na magdulot lamang ng pangamba sa publiko.
‘Pag meron pong ganung impormasyon, wag po nating ipasa kung kanino, ipaalam natin sa otoridad kasi necessary actions are going to be undertaken.
Secondly, ung presence ng Abu Sayyaf sa Bohol has nothing to do…not directed towards ASEAN summit. And dito sa Metro Manila our deployment is based on information on a daily basis and situation on the ground. So wala tayong nakikita na banta dito sa Metro Manila’, ayon kay Carlos sa panayam ng Radio Veritas.
Una na ring idineklarang non working holiday ang April 28 at 29 para sa ASEAN Summit na idaraos naman sa Pasay City.
Sa usapin nang pagkakalat ng maling impormasyon, nagpahayag ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa publiko na huwag gamitin ang social media sa pagkakalat ng maling impormasyon na hindi makakatulong sa hangad na katotohanan.
Sa ulat, 47 milyong Pilipino ang facebook users na gumugugol sa ating panahon ng higit tatlong oras kada araw. (Veritas News Team)