5,820 total views
Homiliya para sa Holy Trinity Sunday, 26 Mayo 2024, Mat 28:16-20
Sa araw na ito ng Kapistahan ng Banal na Santatlo, tutukan natin ng pagninilay, hindi ang misteryo ng Santatlo, kundi ang epekto nito sa atin, ayon kay San Pablo: ANG DIWA NG PAGIGING AMPON NG DIYOS AT TAGAPAGMANA NG KANYANG KAHARIAN.
Pag-ampon ang tawag natin sa ligal na proseso ng pagtanggap sa isang hindi-kadugo o kapamilya bilang miyembro ng pamilya. Ang inampon ay hindi lang binibigyan ng karapatan na gamitin ang apelyido ng pamilya bilang kaanak. Tinuturing din siyang tagapagmana sa mga ari-arian ng pamilya. Pero sa ating narinig na pangalawang pagbasa mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma, hindi isang ligal na proseso ng pag-ampon ang tinutukoy niya, kundi diwa o espiritung nagpapatunay daw na tayo ay mga anak ng Diyos. Ano ang ibig niyang sabihin?
Totoo nga naman, kahit kumpleto ang mga papeles, hindi ka pa rin totoong adopted kung hindi ka talaga natutuhang mahalin o ituring bilang tunay na anak o kapamilya, na pinalaki bilang hindi-na-iba. Hindi lang ito totoo sa panig ng umaampon kundi pati na rin sa panig ng inampon.
Ang pagiging Kristiyano ay tungkol sa diwa o espiritung ginigising o pinupukaw sa atin bilang mga anak ng Diyos, bilang bahagi ng pamilya ng Diyos na tinatawag nating SANTATLO. Ang epekto ng ating pagiging inampon ay dalawa: tayo’y nagiging tagapagmana ng Diyos, kasamang tagapagmana ni Hesukristo.
Simulan natin sa una: “Tagapagmana ng Diyos”, ibig sabihin, ng kanyang kaharian. Tayong mga inampon ay tumatanggap ng biyaya ng buhay na marangal, may mataas na dignidad, hindi lang bilang mga nilkha sa hugis at wangis ng Maylikha, kundi bilang mga miyembro ng pamilya ng Diyos. Kahit totoong ang sangkatauhan ay pumalpak o nabigo, hindi pa tapos ang kuwento. Nagpapatuloy ito sa kuwento ng Bagong Tipan, ang kuwento ng kaligtasan.
Na kahit tayo’y bumagsak, tayo’y tinubos. Iyon ang konkretong epekto ng diwa ng pag-ampon. Na tayo ma’y busabos, minahal pa rin tayo. Di man karapat-dapat, pinagpala pa rin at biniyayaan. Diyos mismo ang nagkukusang-loob upang itaas na muli ang ating dangal, matapos na tayo’y masadlak sa kasalanan. May kuwento ang aklat ng Genesis sa ginawa ng Diyos bago niya pinalayas sina Adan at Eba sa paraiso. “Dinamitan muna sila.”
Sa pamamagitan ng diwang-Anak na kaloob ng Espiritu, nakikilala natin ang dalawang bagay: kung sino tayo sa harapan ng Diyos, at kung sino ang Diyos sa atin. At ikalawa, nakikilala rin nating kilalanin kung sino tayo sa isa’t isa. Na tayo ay pamilya, magkakapatid, kapwa kasambahay sa issang tahanan. Ang diwa ng pagiging inampon ang nag-uudyok sa atin na tumawag sa Diyos bilang “Ama Natin.” Ang pag-ibig ng Diyos ang nagpapakilala sa atin kung sino tayo sa mata ng Diyos, ang umuudyok sa atin ng tumugon sa Diyos bilang kanyang mga anak.
May kuwento sa aklat ng Genesis tungkol kay Ishmael, kung paanong pinalayas siya, kasama ng kanyang inang si Hagar na alipin ni Sara. Noong una kasi walang sariling anak si Sara, kaya ibinigay niya ang alipin niya kay Abrahan para maanakan niya ito. Maayos ang pakikitungo niya sa mag-ina, pero nagbago ang lahat nang magkaanak rin si Sara. Hindi nito matanggap na may kasamang magiging tagapagmana ang kanyang anak. Sa Bagong Tipan, magbabago ang kuwento. Hindi lang mga kadugo o kapwa Hudyo ang magmamana ng kaharian. Dahil sa pagkakatawang-tao ng Bugtong na Anak ng Diyos, naging bukas ang pamilya ng Diyos sa lahat. Sabi nga ni San Pablo: “Wala nang Hudyo at Hentil, malaya at alipin, babae at lalaki. Lahat ay iisa kay Kristo Hesus. At ang bawat kabilang kay Kristo ay kalahi na ni Abraham, tagapagmana na rin ayon sa pangako.”
May narinig akong ganyang true story ng isang naging istudyante ko. Dahil isa lang ang anak ng mag-asawa, minabuti nilang mag-apon para magkaroon ng kapatid ang solong anak nila. Sinikreto nila ito sa batang inampon, pero dumating din ang panahon na natuklasan nito ang sikreto ng kanyang pagkatao. Sa pagkabigla, naglayas siya para hanapin daw ang tunay niyang magulang. Sa di niya nalalaman, ang kuya niya na masyadong nalungkot sa pag-alis niya ang naghanap sa kanya kung saan-saan, hanggang muntik na itong mamatay dahil naholdap siya habang naghahanap.
Bakit mo naisip na bumalik pa rin sa pamilyang umampon sa iyo sa bandang huli? Ito ang tanong ko sa istudyanteng nagkwento. Sagot niya: kasi, muntik nang mamatay si kuya dahil sa paghahanap sa akin. Kung siya na tunay na anak ay handang mamatay para sa akin na ampon lang, paano ko pa mapagdududahan na hindi na nga ako iba sa kanila, na ang turing na sa akin ng kuya ay totoong kapatid at kasamang tagapagmana?
Magandang kuwento, hindi ba? Pero hindi pa tapos ang kuwento. Nagpapatuloy. Marami pang gustong ampunin ang Diyos. Hindi pa tapos ang misyon ng Anak ng Diyos hangga’t hindi tayo natututo na makiisa sa misyon niya: na maampon ng Diyos ang buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pakikiisa natin sa pagdurusa at kamatayan ni Kristo, makakasama rin tayong lahat sa kanyang kaluwalhatian.
Ito ang misyon ng Banal na Santatlo: na sa pamamagitan ng Anak ng Diyos, kasama niya at sa kanya, ay maparangalan ang Diyos Ama dahil sa patuloy na paglaki ng kanyang pamilya dahil sa Espiritu Santong nagkakaloob sa atin ng diwa ng pagiging inampon at tagapagmana ng kaharian ng Diyos.