192 total views
Tiniyak ng Arkidiyosesis ng Philadelphia na nakipagtulungan ito sa mga otoridad kaugnay sa kasong pang-aabuso na kinakaharap ng isang Filipinong Pari.
Sa pahayag ng Arkidiyosesis, mananatiling tagapagtaguyod ng karapatan ng mamamayan lalo na sa mga kabataan ang mga lingkod ng Simbahan dahil ito ay kawan na ipinagkatiwala ng Panginoon sa kanilang pangangalaga.
“The Archdiocese is cooperating fully with law enforcement regarding this matter and remains fervently committed to preventing child abuse as well as protecting the children and young people entrusted to its care,” pahayag ni Archbishop Charles J. Chaput, O.F.M. Cap.
Inihayag ng Archdiocese of Philadelphia na noong ika – 16 ng Marso 2018 nang makatanggap ng abiso ang Arkidiyosesis mula sa Philadelphia Police Department hinggil sa reklamong pang-aabuso ni Rev. Fr. Armand Garcia sa isang menor de edad na babae na naglilingkod sa Saint Martin of Tours Parish.
Kagyat na ipinag-utos ni Philadelphia Archbishop Charles J. Chaput, O.F.M. Cap ang pag-alis kay Fr. Garcia sa serbisyo habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kasong kinakaharap.
Kasabay nang ipinataw na administrative leave, hindi pinahihintulutan ng Arkidiyosesis ang Pari na makapagsagawa ng mga Sakramento ng Simbahang Katolika at hindi rin ito maaaring magpakilalang Pari sa publiko.
Ang kaparusahan ay agad na ipinaalam sa buong Arkidiyosesis ng Philadelphia partikular sa Saint Martin of Tours Parish at Immaculate Heart of Mary Parish, ang huling dalawang parokyang pinaglingkuran ng Pari.
“Father Garcia was immediately placed on administrative leave and had his priestly faculties restricted by Archbishop Chaput following the notification from law enforcement,” dagdag ng Arkidiyosesis.
COMBAT SEXUAL ABUSE
Tiniyak pa ng Arkidiyosesis na kaisa ito sa kampanya ng Simbahan na labanan ang pang-aabusong kinasangkutan ng mga lingkod ng Simbahan batay na rin sa panawagan ng Kaniyang Kabanalan Francisco sa katatapos na February Summit on Sexual Abuse sa Vatican na Protection on Minors.
Sa nasabing pagpupulong na dinaluhan ng halos 200 pangulo ng Episcopal Conferences sa buong mundo, binigyang diin ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na nag-iwan ng malalim na sugat sa puso ng bawat biktima ang pang-aabusong kinasangkutan ng mga Pari.
Tinalakay din sa pagtitipon ang mga hakbangin na nararapat gawin ng Simbahan upang mahinto ang pang-aabusong sekswal ng iilang lingkod ng Simbahan sa mga kabataan.
REPORT ABUSES
Kaugnay dito hinimok ng Simbhahang Katolika na ipagbigay alam sa mga tanggapan ng bawat Diyosesis ang mga pang-aabusong nangyayari.
Kinilala ng Archdiocese of Philadelphia ang sakit na nararamdaman ng mga biktima ng karahasang sekswal at pananamantala kaya’t hinikayat ang mamamayan ng Philadelphia na ipagbigay alam sa Victim Assistance Office of the Archdiocese ang mga kaso ng pang-aabuso ng mga Pari, Diyakono at maging mga empleyado ng Arkidiyosesis.
Ika – 4 ng Marso ng taong kasalukuyan, inaresto si Fr. Garcia ng mga otoridad batay sa impormasyong ibinahagi ng District Attorney’s Office ng Philadelphia at mahaharap ito sa kasong panggagahasa, corruption of minor at sexual abuse of minor.
Batay sa ulat, higit sa 1000 ang bitkima ng pang-aabuso ng higit 300 mga Pari ang naitala sa Amerika na patuloy iniimbestigahan.
Sa Pilipinas una nang tiniyak ni San Pablo Bishop Buenaventura Famadico ang chairman ng Episcopal Commission on Clergy na hindi tumitigil ang Simbahan sa pagpapatupad ng mga reporma tulad nang ‘Spiritual at Moral refoi”rm’ sa mga Pari na nasasangkot sa pang-aabuso.
Read: STATEMENT FROM THE ARCHDIOCESE OF PHILADELPHIA REGARDING REVEREND ARMAND D. GARCIA