81,602 total views
Kapanalig, isa sa mga senyales na maganda ang kalidad ng edukasyon sa isang lipunan ay ang pagiging inclusive o mapagbilang nito – yung lahat ay may ready access kahit saan man siya nandoon, kahit ano pang kasarian niya, at kakayahan. Kasama dito, kapanalig, ang access ng mga vulnerable populations at disabled people. Kung hindi natin sila mapabilang sa ating education system, hindi makatarungan ang ating gawain.
Ang edukasyon ay isa sa ating mga pangunahing karapatan. Susi ito sa pag-unlad ng isang bansa. Ang pagkakaroon ng inklusibong edukasyon ay isang mahalagang hakbang patungo sa pagtiyak na ang bawat Pilipino, anuman ang kanilang kalagayan o kakayahan, ay nagkakaroon ng patas na pagkakataon upang matuto at magtagumpay. Ang inklusibong edukasyon ay naglalayong tanggalin ang mga hadlang na pumipigil sa pag-aaral ng mga mag-aaral na may iba’t ibang pangangailangan.
Isa sa pinaka-malaking hamon, kapanalig ng inclusive education sa ating bansa ay ang pagkakaroon ng abot kayang programa para sa mga disabled children. Dito matingkad, halimbawa, ang mga pangangailangan ng mga batang nasa autism spectrum sa ating bayan. Napakalaking halaga ang kailangan, lalo ng mga maralitang pamilya, na tustusan ang kanilang pangangailangang pang-edukasyonal. Mula sa diagnosis pa lamang, marami na ang nangangapa, paano pa kaya nila mahihimay ang iba pang therapies o activities na kailangan para makapasok at makagamit sa pasilidad at program na akma sa kanila?
Isang entry-point na maari sana nating patatagin, kapanalig, ay ang early childhood care and education, lalo na sa mga bulnerableng bata. Kailangang nating magtaguyod sa barangay level o community level ng mga child care centers kung saan ang bawat mag-aaral ay nararamdaman na sila ay bahagi ng isang komunidad na nagmamalasakit at tumatanggap sa kanila. Malawakang training ang kailangan dito, at kailangang tiyakin na tunay na naabot ang maralita dahil hindi nila kakayanin ang presyo at kahit logistics pa ng mga therapies at activities na available ngayon para sa mga batang may mga disabilities.
Kailangan natin pag-diinan dito kapanalig, ang komunidad dahil ang tagumpay ng inklusibong edukasyon ay nakasalalay sa pagtutulungan ng buong pamayanan. Ang mga magulang, lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholders ay dapat na magtulungan upang masiguro na ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral ay natutugunan. Hindi lamang resources at infrastructure ang kailangan, kailangan ang pakialam, kaalaman, at pagmamahal dahil malakas ang stigma laban sa mga may kapansanan, kulang sa pagsasanay ang mga guro, at hirap ang lito ang mga kaanak at magulang.
Angkop sa puntong ito ang paalala ng Populorum Progressio, na bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: Minsan, ang makatarungang buhay ay tila ilusyon dahil sa hirap ng buhay na dinadanas ng mga mamamayan. Pero pag may mas maayos na edukasyon, kapag may oportunidad, nagkakaroon tayo ng pagkakataon na “to do more, know more and have more in order to be more.”
Sumainyo ang Katotohanan.