70,920 total views
Mga Kapanalig, simula ngayong linggo, bawal nang dumaan ang mga light electric vehicles (o LEVs) katulad ng e-bikes, e-trikes, at e-scooters sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila. Ang lalabag sa patakarang ito ng MMDA ay pagmumultahin ng ₱2,500. Kukumpiskahin din ang ‘di rehistradong LEV.
Hindi natin maikakailang dumarami ang tumatangkilik ng LEVs sa bansa. Sa harap ng matinding trapiko, nagsisilbing accessible at abot-kayang alternatibo ang LEVs sa hindi maaasahang pampublikong transportasyon, lalo na sa mga lungsod. Kung mapapansin natin, karaniwang gumagamit ng LEVs ay mga nanay, matatanda, may kapansanan, at mga magulang na naghahatid-sundo sa mga anak. Higit pa sa pagiging alternatibong mode of transport, ang LEVs ay nagbibigay-daan sa empowerment ng mga itinuturing na vulnerable at marginalized. Gamit ang mga LEVs, natutugunan nila ang kanilang mga pangangailangan, nakapaghahanapbuhay sila, at naa-access nila ang mga kailangan nilang serbisyo. Nakatutulong din ang LEVs sa pagkilos o mobility ng mga may kapansanan sa kalunsuran kung saan maraming bangketa ang hindi na nga naaayon ang disenyo sa kanilang pangangailangan, pinaparadahan o dinadaanan pa mismo ng mga kotse at motorsiklo. Ang LEVs ay nagsisilbing behikulo ng mga marginalized sectors sa pagkamit ng accessible, affordable, at inclusive mobility.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, hindi naman daw tuluyang ipinagbabawal ang paggamit ng LEVs. Aniya, nais lamang nilang i-regulate ang mga ito dahil sanhi raw ang mga ito ng traffic at road crash incidents o banggaan. Ngunit batay sa datos mismo ng MMDA, 2% lang ng mga banggaan sa Metro Manila noong 2022 ang kinasangkutan ng mga light vehicles. Mahigit 50% ay mga pribadong sasakyan ang sangkot habang mahigit 20% naman ay motorsiklo.
Tama lang na may regulasyon sa paggamit ng iba’t ibang uri ng sasakyan upang masiguro ang kaligtasan ng lahat. Pero kung pagbabatayan ang nabanggit nating datos ng MMDA, hindi kaya mas dapat higpitan ang regulasyon sa mga tunay na sanhi ng banggaan at aksidente sa lansangan? Totoong mas malawak na ang bike lane network ngayon na maaaring daanan ng LEVs. Ngunit maliban sa kulang at putul-putol ang mga ito, talamak naman ang iligal na paggamit ng mga ito bilang fast lane at parking space ng mga de-motor na sasakyan. Inilalagay ng mga ito sa panganib ang mga lehitimong bike lane users. Pero sa inilabas na patakaran ng MMDA, mas nahihikayat ang mga taong gumamit na lamang ng pribadong sasakyan at motorsiklo. Mas dadami ang de-motor na sasakyan sa kalsada; mas titindi ang trapiko, polusyon, at init sa lansangan; at mas dadami ang carbon emissions na nagpapalala sa krisis sa klima.
Sa Catholic social teaching na Laudato Si’, binanggit ni Pope Francis na ang mindset o pag-iisip na walang malasakit sa kapaligiran ay kapareho sa pag-iisip na walang pagsasaalang-alang sa maliliit at mahihina lipunan. Ito ang tila ipinakikita ng regulasyong ito ng MMDA. Sa pagbuo ng mga patakaran, kailangang pakinggan ang boses ng mga karaniwang mamamayan, kabilang ang mga walang sariling sasakyan at umaasa sa mga LEVs. Kung hindi, nagreresulta ito sa mga patakarang pabor sa interes ng mga mas makapangyarihan at dominante kaysa ng mga maliliit, isinasantabi, at binabalewala.
Kung matatandaan, Abril noong 2023 nang mag-study tour ang MMDA upang pag-aralan ang inclusive urban mobility sa Netherlands. Isang taon matapos isagawa ang study tour, bakit tila kabaliktaran ng mga natutunan nila roon ang ipinatutupad ng ahensya? Maliban sa pagpapabuti ng pampublikong transportasyon, kailangang suportahan ng gobyerno ang integrated mobility sa sistema ng transportasyon.
Mga Kapanalig, katulad ng wika sa Filipos 2:4-5, magkaroon sana tayo ng kaisipang nagmamalasakit at nagsasaalang-alang sa kapakanan ng mahihina sa atin.
Sumainyo ang katotohanan.