2,645 total views
Maituturing na himala ang naganap na EDSA People Power Revolution sa Pilipinas 35-taon na ang nakakalipas.
Ito ang mensahe ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, Pangulo ng Radio Veritas kaugnay sa ika-35 taong paggunita sa tinaguriang makasaysayang bloodless revolution sa bansa.
Ayon sa Pari, bilang isang seminarista ay kanyang nasaksihan ang mapayapang pagtatapos ng diktadura sa bansa na nakamit ng mga Filipino hindi sa pamamagitan ng dahas kundi sa pamamagitan ng pagkakaisa at paninindigan laban sa mapang-abusong rehimeng Marcos.
“Napakahalaga ang pagdiriwang ng People Power Revolution sa Pilipinas 35 taon na, alam mo kasama ako diyan seminarista ako during that time at isang malaking himala ang naganap sa Pilipinas natanggal natin ang diktadura sa pamamagitan ng mapayapang pamamaraan, ito ay tunay na himala ng Panginoon. Maraming rebolusyon ang marahas at madugo pero tayo ay naging mapayapa at masaya.” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam sa Radio Veritas.
Binigyang diin ni Fr. Pascual na mahalagang maipagpatuloy ang adhikain ng makasaysayang EDSA People Power Revolution na pagsusulong ng pagbabago at pag-unlad ng Pilipinas para sa kapakanan ng mamamayang Filipino.
Ipinaliwanag ni Father Pascual na nananatili ang ‘income inequality’ sa bansa kung saan hindi nasusolusyunan ang malaking agwat ng mahihirap at mayayaman na isang mahalagang hamon ng EDSA People Power Revolution.
“Kaya ito ay ating pagyamanin at ipagpatuloy pa rin natin ang adhikain ng EDSA People Power – ang pagbabago ng bansa lalong-lalo na sa kapakanan ng mga mahihirap at ng mga nasa laylayan. Matindi pa din ang income inequality sa ating bansa kaya patuloy pa din ang diwa at hamon ng EDSA People Power Revolution, baguhin ang Pilipinas sa mapayapang paraan at tugunan natin ang suliranin ng kahirapan, yun ang napakahalagang hamon ng EDSA People Power Revolution.”pahayag ni Fr. Pascual.
MISYON NG RADIO VERITAS
Bilang Pangulo ng Radio ng Veritas na malaki ang naging papel sa makasaysayang EDSA People Power Revolution, tiniyak ni Fr. Pascual ang patuloy na paninindigan ng himpilan upang maipahayag ang katotohanan sa kabila ng anumang banta at paglaganap ng mga kasinungalingan.
Naninindigan ang Pari na hindi magbabago ang paninindigan ng Radio ng Simbahan sa pagsusulong at pagpapalaganap ng katotohanan mula sa Panginoon.
“Ang misyon ng Radio Veritas ay ipahayag ang katotohanan na nanggagaling sa Panginoon ng walang pagkatakot at walang kinikilingan at isinasaalang-alang ang kapakanan ng mas nakararami at mahalaga ipinapahayag natin ang katotohanan na magpapalaya sa atin. Sinuman o anuman na humaharang sa pagpapahayag ng katotohanan ay kalaban natin.” Ayon kay Fr. Pascual.
POLITICAL CRISIS SA MYANMAR
Nagpaabot rin ng mensahe si Fr. Pascual sa mga mamamayan ng bansang Myanmar na tulad ng sitwasyon ng Pilipinas 35-taon na ang nakakalipas ay humaharap ngayon sa banta ng pagsasantabi sa demokrasya ng kanilang bansa.
Ayon sa Pari, kaisa ng mamamayan ng Myanmar ang mga Filipino sa pananalangin na magtapos ng mapayapa ang kaguluhan sa bansa at mangibabaw ang pagpapahalaga sa demokrasya at kalayaan ng bawat isa.
Iginiit ni Fr. Pascual na walang magandang maidudulot o kahihinatnan ang karahasan sa halip ay dapat na mangibabaw ang nasasaad sa batas kabilang na ang paggalang sa resulta ng halalan at mapayapang pagpapalit ng pamunuan sa isang malinis at maayos na pamamaraan.
“Tayo ay nagdarasal sa mapayapang pagtatapos ng kaguluhan sa Myanmar, tayo ay sumusuporta sa demokrasya, mapayapang pagpapalit ng pamunuan sa pamamagitan ng isang malinis, maayos at tuwid na halalan at anumang organisasyon o institusyon tulad ng militar na nag-a-undermine ng institusyon ng demokrasya ay ating hindi sinasang-ayunan. Tayo po ay nakikiisa sa buong mundo at nakikiusap sa militar ng Myanmar na tapusin na ang kudeta na ito sapagkat violence begets violence tandaan po natin, naniniwala tayo sa rule of law at sa mapayapang pagpapalitan ng pamunuan, ng pamahalaan sa isang malinis na halalan.” Mensahe ni Fr. Pascual sa sitwasyon sa Myanmar.
September 21, 1972 nang magdeklara ng Martial law si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa tala ng Amnesty International, aabot sa mahigit 34,000 Filipino ang dumanas ng pang-aabuso at iba’t-ibang uri ng karahasan bukod pa sa 70,000 na mga nakulong at mahigit 3,200 pinaslang.
Pebrero taong 1986 naging mitsa ng makasaysayang EDSA People Power Revolution ang ginawang pagtiwalag sa administrasyong Marcos ng ilang opisyal ng pamahalaan na sinundan pa ng makailang beses na panawagan sa himpapawid sa pamamagitan ng Radyo Veritas ng noo’y Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila na si Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.
Sa harap ng mga tangke at ng puwersang militar dumagsa sa EDSA ang mamamayan mula sa iba’t- ibang antas ng lipunan kasama ang mga lingkod ng Simbahan upang maiwasan at mapigilan ang madugong sagupaan sa pagsusulong ng kalayaan.