263 total views
‘Incomplete’ ang ibibigay na grado ng Promotion of Church People’s Response (PCPR) kay Pangulong Rodrigo Duterte sa unang taong panunungkulan nito bilang pinuno ng bansa.
Ayon kay PCPR secretary general Nardy Sabino, marami pang hinihintay ang taong bayan na pagbabago na pangako ng pangulo, bagama’t may ilang agam-agam sa pagiging tila pasista o militarist nito.
“Mixed-up. Incomplete, hinanahabol mo pa kung tutuparin nya ang pangako nya. Kailangan pang patuloy na hamunin ang administrasyon na ito na tumindig para sa mamamayan,” ayon kay Sabino.
Aniya: “Yung tipo na na ang hirap ipasa, hindi mo rin naman maibagsak. Kung baga pag-teacher ka…kapag nawala sa klase mo, sayang. Pag-ipinasa mo naman kaagad, nakakatakot.”
Pinakamababa namang grado ng pangulo ayon pa kay Sabino ay ang human rights.
Gayunman, sinabi ni Sabino na kumpara sa nakaraang administrasyon ang Pangulong Duterte ay nakikiharap sa mga magsasaka at mga maralita na direkta ring nakinabang sa pamamahagi ng lupa at mga bahay.
“In terms of agrarian reform first time yun, yung mga magsasaka na nagwewelga nilabas ng presidente. First time yun sa history ng Pilipinas at kahit paano ay may naibigay sa mga magsasaka. First time rin na binigyan ng presidente ng massive housing yung nag-occupy na Kadamay. Unlike sa previous regime ang nakikita ay yung demolition,” ayon kay Sabino.
Gayunman, dagdag pa nito: Ang kailangan nya na makita ay yung pinangakuan nya ng pagbabago. Ang mga mahihirap na tinanggalan ng dangal noong nakaraang administrasyon. Ito yung urban poor, mga magsasaka na habang binibigyan nya ng habay, pagkakalooban ng lupa, ito rin ang pinapatay nya dahil sa war on drugs, dahil sa martial law. Ito rin yung bina-violate nya yung karapatang pantao.
Ang Pangulong Duterte ang ika-16 na pangulo ng bansa at kauna-unahang Pangulo na mula sa Mindanao.
Una na ipinapaalala sa isang mensahe ng Santo Papa Francisco na ang isang pinuno na hindi marunong magmahal ay hindi makakapamahala, dahil hindi maaring mamamahala ang hindi nagmamahal.