331 total views
Pinangunahan ni Apostolic Vicariate of Tabuk Bishop Prudencio Andaya Jr. – Chairman of CBCP Episcopal Commission on Indigenous People ang bahagi ng Philippine Conference on New Evangelization na may titulong “Magkaugnay”.
Ito ay pagbabahagi ng kultura, karanasan at paraan ng pamumuhay ng mga katutubo o ng Indigenous peoples sa bansa.
Itinuring ng Obispo na isang magandang pagkakataon ang PCNE7 upang maibahagi ng mga katutubo sa bawat isa ang kanilang kultura na hindi kadalasang nauunawaan ng mamamayan.
Ibinahagi ni Bishop Andaya na ang Apostolic Vicariate of Tabuk ay binubuo ng 90-porsyento ng mga katutubo mula sa Kalinga at Apayao.
Inihayag ng Obispo na taong 1920s ng nagsimula ang ebanghelisasyon sa lugar.
Ayon kay Bishop Andaya, lalu pang pina-iigting ng Simbahang Katolika ang pagbabahagi ng mabuting balita upang mapalalim ang pananampalataya ng mga katutubo at kanilang matagpuan ang Panginoon ng pag-ibig habang patuloy na ipinapamalas ang kanilang cultural practices at Indigenous belief.
“Evangelization came in full blasts in the mountains only during the 1920s, the word of God has been sown in the heart of the Kalinga and today we continue to serve our people to deepen their faith in God and to find the God of love and compassion in the cultural practices and Indigenous belief that have been intact even until this day.” pahayag ni Bishop Andaya Jr.
Aminado ang Obispo na ang mga katutubo sa Kalinga ay humaharap din sa iba’t-ibang mga pagsubok dahil sa mga hidwaan na kanilang nalagpasan dahil sa patuloy na dayalogo.
Iniulat naman ni Bishop Andaya na ngayong taon ay gugunitain ang 25th Jubilee sa lalawigan na nagbibigay halaga sa Peace Pact Festival o ang Bodong Festival na nagpapahayag sa patuloy na panalangin at pag-asa ng mga katutubo at lahat ng mamamayan para sa kapayapaan.
“The province of Kalinga this year we are also celebrating the 25th Jubilee of our province and we are going to have again the Peace Pact Festival, the Bodong Festival that speaks clearly about our dream for lasting peace…” Pagbabahagi pa ni Bishop Prudencio Andaya Jr. Binigyang diin naman ni Bishop Andaya na ang mga katutubo ay dapat na ituring na pantay sa larangan ng edukasyon at katiyakang pang-medikal upang sila ay mabuhay ng sagana at dalisay.
Ikinalulungkot lamang ng Obispo ang hindi patas na pagtingin sa mga katutubo at pagkakataon sa lipunan.
Ang Magkaugnay ay bahagi ng ikalawang araw ng PCNE 7 na inilaan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga katutubo na ibahagi ang kanilang mga kuwento at karanasan bilang paghahanda ng Simbahang Katolika sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas at Year of Ecumenism, Inter-religious Dialogue and Indigenous People.