452 total views
Kapanalig, alam mo ba na ang inequality ay nagmumula sa kapanganakan pa lamang? Ang simula ng buhay ng isang sanggol sa sinapupunan ay nakasalalay sa taglay na yaman ng kanyang mga magulang. Kung ang magulang ay mahirap, sa sinapupunan pa lamang gutom na agad ang anak.
Sa ating bayan, malawak at mataas ang income inequality. Ayon sa World Bank, ang top 1 percent earners ng ating bayan ay sakop ang 17% ng ating national income habang 14% ng ating national income ay pinaghahati-hatian ng bottom 50% earners ng ating bayan. Ang ating bansa ay isa sa may mga pinakamataas na antas ng income equality sa buong Asya. Nasa 42.3 ang Gini coefficient natin, na siyang sumusukat sa income distribution sa isang bansa.
Malaki ang epekto ng inequality sa buhay ng tao. Ayon nga sa isang pag-aaral ng Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD), nadarama ang inequality bata pa lamang. Halimbawa, halos anim sa sampung bata mula sa maykayang pamilya ay exposed na sa regular home learning di pa man sila pumapasok sa paaralan, pero sa hanay ng maralita, mga tatlo lamang ang may exposure sa home learning. Sa maralitang tahanan, kapanalig, busy ang lahat para kumita. Hindi na natuturuan ang mga bata.
Pati nga ambisyon ng bata ay nahuhulma ng kayamanan ng pamilya. Hindi na raw masyado inaasahan ng karamihan ng mga kabataang nasa mahirap na pamilya na makakatapos sila ng pag-aaral, habang pag mayaman, sigurado ang halos lahat sa kanila. Kapag graduate din ang magulang, mas malaki ang pagkakataon na makakatapos ang bata. Mas malusog din sila, at mas maraming disposable income.
Nakakalungkot, kapanalig, na dahil sa social inequality, napakahirap para sa maraming pamilya ang umangat ang buhay. Dahil kulang ang pera, pagkasilang mo pa lamang, sa halip na puno ng pag-asa ang buhay, parang pait lamang ang aasahan.
Hindi naman dapat ganito, kapanalig. May mga paraan upang lahat ay magkaroon ng patas na access sa mga serbisyong magbibigay ginhawa at tulong sa mga pamilyang Filipino. Ang keyword dito: access.
Upang ating maisulong ang pagkapantay pantay sa lipunan, kailangan maging mas malawak ang access ng lahat ng maralitang Filipino sa mga serbisyo ng pamahalaan: dekalidad na health care, dekalidad na edukasyon, disenteng pabahay, at marangal na trabaho. Kailangan iprayoridad ng pamahalaan ang mga rehiyon sa bansa na sadlak sa kahirapan at kung saan ang access sa mga batayang serbisyo ay matumal. Kailangang paigtingin ang serbisyo, kapanalig, sa poorest of the poor. Hindi ito dole-out kapanalig. Ito ay good governance. We are only as as strong as our weakest link.
Ang pagbibigay ng mas mabilis, mas malawak, at mas dekalidad na serbisyo sa poorest of the poor ng ating lipunan ay kongkretong aksyon tungo sa panlipunang katarungan. Sabi nga sa Quadragesimo Anno: the riches that economic-social developments constantly increase ought to be so distributed among individual persons and classes that the common advantage of all will be safeguarded… the common good of all society will be kept inviolate.
Sumainyo ang Katotohanan.