204 total views
Ang kahalagahan ng agham at ang pagbabahagi ng impormasyon ukol dito ay isa sa mga leksyong napalutang ng pandemya sa sandaigdigan.
Sa buong mundo, kapanalig, naging napakahirap makapagbigay at makapagmudmod ng tamang impormasyon. Ang fake news ay naglipana. Ang mga pahayag ng mga eksperto ay hindi tinatanggap ng marami. Ang mga warning o babala ng mga otoridad ay tila walang nakakarinig. Ang mga datos na nagmula sa maliit o malawakan mang pag-aaral ay hindi pinapansin. Ang mga hoax, conspiracy theories, at tsismis ay nagkalat.
Kapanalig, bakit nga ba mas mahigipit ang kapit ng mga kwento-kwento kaysa mga datos sa mga tao, kahit saan mang panig ng mundo? Basta tsismis, sinasabi natin basta, may usok may sunog. Pero pag dating sa siyensya o ogham, naglalagablab na nga ang katotohan, halos wala pa ring naniniwala.
Ngayong panahon ng pandemya, masasabi nga natin na maliban sa COVID-19, mayroon pang isang outbreak ngayon sa buong daigdig—ang infodemic.
Kapanalig, dahil na rin sa malakawang lockdowns noong 2020, mas mabilis ang pagkalat ng balita sa social media. Nagkaroon na rin ng infodemic, isang kataga mula sa pinagsamang salita—information at epidemic. Ito ay ang mabilis at malawak na pagkalat ng impormasyon, tama man o mali, ukol sa isang bagay. Sa bilis at dami ng impormasyon, naghahalo-halo na ang katotohanan, haka-haka, tsismis, o kahit joke, at nanganganak na ng nanganganak ng bagong storya. Nagmu-mutate din, kumbaga. Dahil dito, mahirap na masala ang katotohanan at ang kasinungalingan.
Kapanalig, mapanganib kung hindi natin mama-manage ang infomedic sa panahon ng tunay na pandemic. Kamatayan ang kahihinatnan ng malawakang infodemic, na maari naman iwasan kung malinaw at dumadating sa tao ang tamang mensahe at impormasyon.
Malaki ang ating bahagi sa pagpuksa ng infodemic sa ating lipunan. Nakita ng isang pag-aaral kamakailan, “The Link Between Fake News Susceptibility and Political Polarization of the Youth in the Philippines” na mahigit kalahati ng kanilang youth respondents ay average lang ang kakayahan sa pagkilala kung ano ang fake news o hindi. Kung ang kabataan ngayon ay mahina sa discernment o critical thinking, paano na ang bayan?
Sabi nga sa John 8:32: The truth will set you free. Kapanalig, walang kalayaan sa taong nagbubulagbulagan at nagbibingihan. Magmasid at makinig. Maging mapanuri tayo. Nakasalalay dito ang ating hinaharap. Huwag nating hayaang magkalat pa ang infodemic.
Sumainyo ang Katotohanan.