610 total views
Manila, Philippines — Paiigtingin ng Social Action Center ng Diocese of Paranaque ang campaign awareness sa mga parokya kaugnay sa pinangangambahang “The Big One”.
Sinabi ni Rev. Fr. Santi Fernandez, Social Action Director ng nasabing diyosesis na nakakabahala ang lumalabas sa mga social media sites kung kailan magaganap ang malakas na paglindol sa Metro Manila na hindi dapat paniwalaan dahil hindi maaring malaman kung kailan magaganap ang paglindol.
Inihayag ni Father Fernandez na magpapalabas ang kanilang Diocese ng mga earthquake preparedness video material na ipapalabas ng mga parokya sa lahat ng misa.
“Ang gagawin namin lahat ng parokya magpapalabas kami sa mga misa ng video showing, kasi we see na it is the best way to informed the people [about] the need to prepare for it.” Pahayag ni Fr. Fernandez
Naniniwala si Father Fernandez na mahalagang magkaroon ng tamang kaalaman ang mga mananampalataya kasabay ng kanilang matibay na pananampalataya at pananalig sa Diyos.
“In the end sa Diyos pa rin nakakasalay ang [Kaligtasan] natin, since ang ating paniniwala na ang earthquake ay walang makakapag anticipate.” “More of that, ang faith natin ang mangunguna dito, ang pananampalataya and yet sabi nga dapat gumagawa tayo, walang saysay yun pananampalataya lang kung walang gagawin ang tao.” Ani pa Fr. Fernandez.
Magugunitang una ng nagpahayag ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHILVOCS na hindi dapat mangamba sa mga naglalabasan balita na mayroon ng petsa kung kailangan magaganap ang “the big one”.
Nauna rito, nagpalabas ng panalangin si CBCP-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People chairman Balangan Bishop Ruperto Santos para sa “the big one”.
Read: http://www.veritas846.ph/cbcp-naglabas-ng-panalangin-para-sa-big-one/
Sinasabing aabot sa 34 na libong katao ang maaring masawi sakaling maganap ang malakas na lindol sa Metro Manila.(Rowel Garcia)