188 total views
Ikinatuwa ng Tourism Congress of the Philippines ang muling pagbubukas ng isla ng Boracay na itinakda sa ika-26 ng Oktubre.
Ayon kay Jose Clemente III, Pangulo ng TCP- kahit paano ay makakabalik na sa trabaho ang ilang mga manggagawa na umaasa sa umaasa sa isla makaraan ang anim na buwan nang ipasara ito noong Arril.
“Tayo’y natutuwa at yung ating mga kababayan na nawalan ng trabaho nitong nakalipas na buwan ay atleast unti-unti na po silang makababalik, mag umpisa ng hanapbuhay nila,” bahagi ng pahayag ni Clemente sa Radio Veritas.
Bagama’t hindi pa tuluyang naibabalik sa normal ang operasyon ng buong isla, nagpapatuloy naman ang pamahalaan sa pagsasagawa ng rehabilitasyon lalo na sa mga kalsada sa lugar.
Pakiusap ng TCP sa mga mamumuhunan sa isla na sundin ang mga polisiya at ordinansang ipinatutupad ng pamahalaan upang maiwasang muling masira ang Boracay at mapanatili ang kanilinisan dito.
“Iminumungkahi po natin doon sa mga may-ari ng establisimiyento ay sumunod po sila [sa polisiya],” dagdag pa nito.
Payo pa ni Clemente sa mga bibisita sa isla na tamasahin at alagaan ang kagandahan ng buong isla tulad nang magsimula pa ito at wala pang mga malalaking establisimiyento sa lugar na dahilan ng pagkasira sa karagatan sa isla dahil sa kapabayaan.
Hinimok ng TCP ang Department of Tourism na magtulungan sa pagdiskubre ng mga magagandang lugar sa bansa na paunlarin at maaring destinasyon ng mga turista na makatutulong din sa paglago ng Ekonomiya ng Pilipinas.
Batay sa tala ng DOT halos umaabot sa 8 milyon ang tourist arrivals sa kasalukuyan at patuloy itong madadagdagan bago matapos ang 2018.
Umaasa naman ang Simbahang Katolika sa Boracay na tatalima ang mamamayan sa panawagang panatilihing malinis ang buong isla.