368 total views
Tiniyak ni Ilagan Bishop David William Antonio na nasa mabuti siyang kalagayan makaraang maaksidente ang minamanehong sasakyan.
Sa mensahe ng obispo sa Radio Veritas nagpasalamat ito sa Panginoon sa pagsagip mula sa pinsala.
“Salamat sa Panginoon, ako’y nasa mabuting kalagayan, sa awa ng Diyos iniligtas ako sa matinding kapahamakan; God has preserved my life from harm, alleluia! Blessed be the name of the Lord!” mensahe ni Bishop Antonio sa himpilan.
Batay sa ulat ala una nang hapon nitong Abril 12 nang maaksidente ang sasakyan ng obispo makaraang sumabog ang gulong sa bayan ng Luna sa Isabela dahilan upang mawalan ng kontrol ang obispo bago tuluyang bumangga sa kasalubong na truck.
Ayon naman kay Fr. Ric-Zeus Angobung, chancellor ng diyosesis, nagmula si Bishop Antonio sa bayan ng San Mateo para sa maikli niyang pagpupulong.
Pauwi si Bishop Antonio sa kanyang tinutuluyan sa bayan ng Gamu ng mangyari ang aksidente.
Nagpasalamat naman ang obispo sa mga nagpaabot ng panalangin kasabay ng pagtiyak na nasa mabuti itong kalagayan lalo na sa mga taong nag-alala sa kanya.
“Mga kapatid, ako po’y taos pusong nagpapasalamat sa inyong mga panalangin para sa akin at sa lahat ng mga naglilingkod sa Simbahan. Damang-dama ko po ang inyong pagmamahal at pagmamalasakit,” ani Bishop Antonio.
Pinasalamatan din ng obispo ang lahat ng sumaklolo maging ang driver at may-ari ng trak.
Bukod sa Isabela pansamantalang pinangangasiwaan ni Bishop Antonio ang Apostolic Vicariate ng San Jose sa Mindoro.