840 total views
Ilalabas na ng Commission on Human Rights ang kanilang paunang imbestigasyon hinggil sa nagaganap na extrajudicial killings (EJKs) o death under investigation (DUI) kasabay ng kampanya ng gobyerno laban sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay CHR spokesperson Atty. Jacqueline De Guia, laman ng kanilang report ang naganap na DUI sa loob ng unang anim na buwan na pamumuno ng Pangulong Rodrigo Duterte kung saan naganap ang mga pagpatay.
“Sa panahon po na ito, nagsasagawa pa lang kami ng mga imbestigasyon at inaasahan po namin sa Enero maari na kaming magbigay ng paunang pahayag or report sa naganap sa 6 month campaign against drugs ng (gobyerno) hopefully doon natin mabibigyang kasagutan ang ilang katanungan na nasa isip natin, it will be a 6-month preliminary report,” pahayag ni Atty. De Guia sa panayam ng Radio Veritas.
Aminado ang CHR na labis na rin silang nababahala sa lumalaking bilang ng kaso ng mga pagpatay na hindi alam kung sino ang nasa likod nito kaya’t masigasig at masusi ang kanilang imbestigasyon para sa agarang ikalulutas nito.
“Dahil tumataas ang bilang ng reported killings sa bansa, ito ay nakababahala na kailangan natin tingnan ang sitwasyon. Yung EJK na hindi natin matukoy kung sino mga nasa likod nito, ang amin ay para tingnan at alamin ano ang motibo at sino ang nasa likod kung sila ba ay mga nasa kapangyarihan at tinitingnan natin kung may ginagawang imbestigasyon ang kapulisan dahilan ang mga pagpatay ay isang krimen at hindi natin binabalewa ang karapatan sa buhay,” ayon pa sa CHR spokesperson.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), nasa 2,124 na pinaghihinalaang users at pushers ang napatay mula Hulyo 1 hanggang Disyembre 18 ng taon habang nasa 3,993 ang kaso ng death under investigation.
Mariing iminungkahi ng mga obispo ng Simbahan sa pamahalaan na lutasin ang problema ng bansa sa ilegal na droga sa pamamagitan ng legal na pamamaraan, pagsasaalang sa tama, makatwiran at makatarungang pamamaraan na may paggalang sa buhay at karapatan ng bawat isa.
http://www.veritas846.ph/panalangin-alay-ng-chr-sa-bagong-administrasyon/